Patay ang tatlong katao matapos paulanan ng bala ng lima hanggang anim na armado ang sinasakyan nilang pick up truck bago mag-umaga kahapon sa Camarin, Caloocan City.
Habang isinusulat ito, ayon kay Sr. Supt. Johnson Almazan, Caloocan police chief, ay hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng tatlong biktima.
Ang isa sa mga biktima ay inilarawang nasa edad 30 hanggang 35, hubad pang-itaas, 5’7 hanggang 5’8 ang taas; ang ikalawa ay tinatayang 20 hanggang 25 anyos, 5’4 hanggang 5’0 ang taas, nakasuot ng pulang jacket, dilaw na short pants; at ang ikatlo ay tinatayang 20 hanggang 25 anyos, 5’4 hanggang 5’5, at nakasuot ng puting t-shirt.
Base sa imbestigasyon nina PO3 Rhyan Rodriguez at PO3 Rommel Caburog, nagtamo ang tatlong biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Ayon sa saksi na si Menard Magayo, security guard, dakong 3:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa kahabaan ng Pili Street, Barangay 178, Camarin, Caloocan City.
Nakasakay umano ang tatlo sa isang Frontier Nissan Navara (maroon) na may plakang NUI -501 nang bigla umanong pagbabarilin ng mga armado na pawang mga nakasuot ng helmet at face mask habang sakay ng motorsiklo. (ED MAHILUM)