PARA sa dalawang taong magkasunod, iniulat ng Forbes na ang 26-year-old Oscar winner na si Jennifer Lawrence ang highest-paid actress sa buong mundo, sa kinita niyang umaabot sa $46 million sa loob ng 12 buwan.
Nagmula ang malaking bahagi ng pretax income ni Lawrence sa kinita niya sa huling sequel ng Hunger Games at sa suweldo na tinanggap mula sa kanyang role sa ipapalabas pa lamang na pelikulag Passengers. Si Jennifer din ang pinakabatang babaeng nakapasok sa listahan ngayong taon, at natatanging aktres na hindi pa lumalagpas sa edad 30.
Iniulat din ng Forbes na ang kanyang kinita ay bumaba ng 11.5 porsiyento kumpara sa kinita niya noong nakaraang taon, nang kumita siya ng $52 million.
Si Melissa McCarthy ang pangalawang highest-paid woman sa Hollywood, sa kinitang $33 million ngayong taon, na malaking bahagi ang nanggaling sa kanyang role sa Ghostbusters. Ang kinita ng 45-year-old na star ay tumaas ng $10 million simula 2015. Pumangatlo naman si Scarlett Johansson sa kinitang $25 million.
Si Jennifer Aniston ang umokupa sa ikaapat na puwesto, at ayon sa Forbes ay nanggaling ang malaking bahagi ng $21 million na kita ng aktres sa endorsements, kabilang ang Smartwater, Aveeno, at Living Proof.
Bagamat si Jennifer Lawrence ang may pinakamalaking kinita sa mga aktres, sumulat siya ng op-ed noong nakaraang Oktubre nang malaman niya na mas mababa ang ibinayad sa kanya kumpara sa male co-stars niya sa American Hustle.
“I failed as a negotiator because I gave up early,” saad niya sa kanyang akda na inilabas ng newsletter na Lenny. “I didn’t want to seem ‘difficult’ or ‘spoiled.’ At the time, that seemed like a fine idea, until I saw the payroll on the Internet and realized every man I was working with definitely didn’t worry about being ‘difficult’ or ‘spoiled.’”
Ang co-star ni JLaw sa Hustle na si Bradley Cooper ay isa sa celebrities na nagbigay ng suporta sa panawagan ng aktres na tuldukan na ang gender gap pay sa Hollywood. “There’s a double standard in the whole world, yeah, for sure.
This is just one aspect,” sabi ni Coopera sa ET noong panahong iyon. “Anytime there’s a place where a voice can come out and be outspoken, that’s great. ... I think it is making a difference.” (ET Online)