“HE’S already 35, hindi ko na siya dapat bantayan,” natatawang wika ni Edu Manzano nang kumustahin tungkol sa anak na si Luis Manzano nang mainterbyu siya ng press sa presscon ng Someone To Watch Over Me. “Matanda na siya para pakialaman ko ang lovelife niya. Yes, sa tanong ninyo kung nakilala ko na si Jessy (Mendiola, ang sinasabing current girlfriend ni Luis), nakilala ko na siya nang ipakilala siya sa akin ng mommy niya. Pero si Luis, hindi pa niya ipinakikilala sa akin si Jessy.”
Nagbabalik Kapuso si Edu sa pamamagitan ng Someone To Watch Over Me. Bridges of Love ang huli niyang teleserye sa ABS-CBN at pagkatapos ay nagpahinga na muna siya at sumabak sa pagkandidato para senador nitong nakaraang national elections, na hindi raw nila nalibot ang buong bansa.
Muli ba siyang kakandidato sa susunod na eleksiyon?
“I’ll be turning 61 na sa September 14, at kung kakandidato ako 64 years old na ako. Parang mas gusto ko nang bigyan ng oras ang mga anak ko at ang mga negosyo ko. Mayroon akong tatlong restaurants at may fish pond ako sa Nasugbu, Batangas. May mga kasosyo naman ako roon, kaya wala akong problema sa pag-aasikaso.
In fairness, hindi halata sa hitsura ni Edu na senior citizen na pala siya.
Nagkikita pa ba sila ni Cong. Vilma Santos?
“Hindi na, matagal na, kahit pareho kaming nasa Batangas. Sabi ko na lang, sa kanya ang Lipa, akin naman ang Nasugbu.
“Ang mga anak ko, mag-aaral nang lahat abroad, at gusto ko silang samahan kapag umalis na sila. Gusto kong bigyan naman sila ng time na matagal ko ring hindi nagawa sa kanila dahil busy ako.”
Biniro namin si Edu kung paano niya sasamahan ang mga anak niya, iba-iba ang school na papasukan nila.
“Iikutin ko sila kung saan sila naroon,” natatawang sagot niya.
Bakit naisipan niyang tanggapin ang role sa Someone To Watch Over Me?
“Nang sabihin nila sa akin kung ano ang story ng inspirational drama tungkol sa unwavering love ng isang wife sa kanyang husband suffering from early-onset Alzheimer’s disease, naging interesado na ako. Alam kong mai-educate ang mga televiewers kung ano ba ang Alzheimer’s disease. Then, maganda ang role ko as Buddy Chavez, hardworking father at very supportive sa anak kong si TJ (Tom Rodriguez) na suffering from the disease.”
Ngayong nagti-taping na sila ng drama serye, nakita niya kung gaano kahuhusay sina Lovi Poe, Max Collins at Tom sa pag-arte. Hindi raw bumibitiw sa kani-kaniyang characters ang tatlo lalo pa at napakahusay ng director nila, si Maryo J. delos Reyes.
Sa September 5 na ang premiere airing ng Someone To Watch Over Me, pagkatapos ng koreanovelang Descendants of the Sun. (NORA CALDERON)