Mga Laro Ngayon
(Philsports Arena)
4:15 n.h. -- NLEX vs Meralco
7 n.g. – SMB vs Alaska
Pumatas sa ikalawang puwesto upang makaagapay sa liderato ang tatangkain ng defending champion San Miguel Beer sa pagtutuos nila ng Alaska sa tampok na laro ngayong gabi sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2016 OPPO-PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ang 4-2 marka, nasa solong ikatlong puwesto ang Beermen na may isang panalong pagkakaiwan sa pumapangalawang Ginebra at Mahindra.
Sisikapin ng Beermen na makabangon mula sa ‘di inaasahang upset sa kamay ng Globalport sa nakaraan nilang laban noong nakaraang Biyernes sa Ynares Sports Center sa iskor na 92-98.
Para naman sa katunggaling Aces, pipilitin nilang dugtungan ang naitalang malaking panalo kontra Star,86-69, para sa target na 3- game winning streak.
Umaasa si Aces coach Alex Compton na simula na ito sa pagbabalik ng defensive mindset ng kanyang koponan kung saan sila umangat sa mga nagdaang taon mula nang maupo siya bilang mentor.
Naniniwala si Compton na kailangan nilang maibalik ang dating tatak nilang best defensive team ng liga para makabangon mula sa kinalalagyang ikaanim na posisyon matapos dumanas ng apat na sunod na kabiguan.
Mauuna rito, mag-aagawan naman sa ikaapat na posisyon ang sister squads NLEX at Meralco sa pagtutuos nila sa ganap na 4:15 ng hapon.
Magkabuntot sa ikaapat at ikalima posisyon ang Bolts at ang Road Warriors taglay ang barahang 4-3 at 3-3 karta.
Kapwa galing din sa panalo ang dalawang koponan sa nakaraan nilang laro, ang NLEX kontra Mahindra 82-81 at ang Meralco kontra Blackwater, 105-90. (Marivic Awitan)