MAHIGIT na sa 1,000 ang napapatay ng anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte sapul nang maluklok siya sa puwesto. Kahit papaano raw, sabi ng isa kong kaibigang mapanuri, nakatutulong si Mano Digong sa pagbabawas sa populasyon ng Pilipinas na ngayon ay mahigit na yata sa 100 milyon!

Kahit nagngingitngit si Pangulong Rodrigo sa bintang ng dati niyang propesor na si Jose Maria Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), na siya ay parang butangero at idinadaan sa init ng ulo at puwersa ang lahat ng maibigan at matupad, inanyayahan pa rin niya ang mga National Democratic Front (NDF) consultant sa Malacañang upang pag-usapan ang pagtungo nila sa Oslo, Norway para sa resumption ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF.

Dumalo kaya sa nasabing pulong si Joma Sison na inakusahan ni RRD ng pagiging arogante at mayabang? Kahit daw wala si Joma, tuloy ang usapan. Nagsimula ang kanilang sagutan nang kanselahin ni Mano Digong ang unilateral ceasefire na idineklara niya dahil sa pagtambang ng NPA sa isang convoy ng mga CAFGU. Wala raw sinseridad ang NPA kaya kakanselahin niya ang ceasefire kapag hindi nagdeklara ng katulad na ceasefire ang NPA. Nagalit si Joma kay RRD at sinabihan ang kanyang dating estudyante na butangero at walang karapatang mag-utos sa CPP-NPA-NDF

Tahasang sinabihan ni Duterte ang NDF consultants, tulad nina ex-Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Edre Olalia, na siya ay hindi payag sa pagkakaroon ng coalition government sa CPP-NPA-NDF. Ilang militante ang hinirang niya sa cabinet bilang pagtupad sa pangakong bibigyan ng puwesto sa gobyerno ang mga kasapi mula sa maka-kaliwang kilusan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nakapuwesto ngayon sa cabinet sina Juliet Taguiwalo (DSWD), Rafael Mariano (DAR), Silvestre Bello III (DOLE), Lisa Maza (National Poverty Alleviation), atbp.

Suriin nating mabuti. Parang nagtataglay si Mano Digong ng kung tawagin sa English ay “contradictory character”.

Pruweba nito ay ang pagiging sympathetic niya sa CPP-NPA-NDF, pero kaibigan din naman niya ang mga Marcos gayong ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay isang rabid-anti communist.

Katunayan, payag siyang maihimlay ang diktador sa Libingan ng Mga Bayani (LMB) pero kontra rito ang mga komunista.

Salungat din ang libu-libong katao na kinabibilangan ng mga pamilya ng mga biktima ng martial law, na pinatay, biglang nawala at ikinulong. Paano raw ihihimlay ang isang diktador sa Libingan na pinalayas ng People Power noong 1986?

Ipatatawag ng Senado si PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” Dela Rosa upang hingan ng paliwanag sa umano’y pagpatay ng mga vigilante sa mga ordinaryong drug pusher at user. Pangungunahan nina Sens. Leila de Lima at Panfilo Lacson ang Senate hearings. Sinabi naman ni Bato na handa silang magpaliwanag, at walang imbestigasyon na makapipigil sa kanilang kampanya na sugpuin ang illegal drugs sa loob ng 3-6 na buwan.

Samantala, nagbanta si President Duterte sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na wala naman daw ideolohiyang ipinaglalaban at ginagamit pa ang pangalan ni Allah sa kanilang mga tiwaling gawain. “Don’t bring out the worst in me.” Pupuksain at pupulbusin daw ni Mano Digong ang tulisang ASG na hindi lamang mga Pinoy ang kinikidnap for ransom kundi mga Malaysian, Indonesian at iba pa.

Sampung beses daw ang bagsik niya kesa ASG kapag siya’y nagalit! (Bert de Guzman)