Isa na namang low pressure area (LPA) ang namataan sa bahagi ng Aurora, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 1,360 kilometro Silangan ng Baler sa Aurora.
Ayon sa PAGASA, posibleng paiigtingin ng naturang weather system ang habagat (southwest monsoon) na magreresulta sa katamtaman ngunit madalas na malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region at sa lalawigan ng Benguet, Zambales at Bataan.
Binalaan din ng ahensya ang mga residente sa natukoy na mga lugar na maging alerto sa posibleng flashfloods at landslides.
Makararanas naman ng mahina hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na sasabayan naman ng isolated thunderstorms.
“The public and disaster risk reduction and management councils concerned are advised to take the necessary precautionary measures,” bahagi pa ng babala ng PAGASA.
Bangka ‘di pwede sa laot
Ipinagbabawal pa rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paglalayag sa laot ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa kanlurang bahagi ng bansa dahil pa rin sa patuloy na masamang panahon.
Ayon kay PCG spokesperson Commander Armand Balilo, ang babala ay bahagi ng hakbang para makamit ang tinatarget ng pamahalaan na limit casualty.
Sinabi ni Balilo na maaga silang nag-abiso sa mga opisyal sa mga coastal barangay na tumulong sa pagbabantay at pagsaway sa mga mangingisdang magtatangkang pumalaot sa kabila ng masamang panahon. (Rommel Tabbad at Beth Camia)