Sampung bilanggo ang namatay habang grabe namang nasugatan ang isang jail warden sa pagsabog ng granada sa loob mismo ng Bureau of Jail Management and Penology sa Parañaque City (BJMP-Parañaque) nitong Huwebes ng gabi, pagkukumpirma ng pulisya.

Sa impormasyong natanggap ni Senior Supt. Jose Carumba, hepe ng Parañaque City Police, nakilala ang mga nasawing inmate na sina Jacky Huang, isang Chinese; Waren Manampen; Rodel Domdom; Ronald Domdom; Danilo Pineda; Joseph Villasor; Oliver Sarreal; at Jeremy Flores, na pawang agad na namatay; at si Yonghan Cai, isa ring Chinese; at si Jonathan Ilas, na dead on arrival nang isugod sa Ospital ng Parañaque.

Nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si J/Supt. Gerald Bantag, jail warden, na maayos na ang kondisyon at patuloy na nagpapalakas sa nabanggit na ospital.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 8:20 ng gabi, dinala ni Senior Jail Officer (SJO) Ricardo Zulueta ang mga nabanggit na inmate sa opisina ni Bantag sa ground floor ng BJMP.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ayon kay Chief Inspector Ariel Sanchez, ng Parañaque Station Investigation and Detective Management Branch, nakiusap umano ang mga ito na huwag na silang ilipat sa ibang bilangguan.

“Nakiusap sila na makausap si Warden (Bantag), dahil ayaw nga nila malipat. Pinagbigyan naman sila,” pahayag ni Sanchez.

“Pagkarating sa opisina, lumabas agad ‘yong nag-escort sa kanila na jail officer para mag-isip. Wala pang limang minuto, ayon, nagkagulo na,” dagdag ni Sanchez.

Base sa ulat, sunud-sunod na putok ng baril ang narinig sa opisina ni Bantag, na sinundan ng dalawang malakas na pagsabog. Kinumpirma ng mga guwardiya na armado ng baril, kutsilyo at granada ang mga inmate.

Agad na humingi ng tulong ang mga tauhan sa Parañaque Police Community Precinct (PCP) 3, na sinundan ng Special Weapons and Tactics (SWAT), ayon kay Carumba.

Jail break ang isa sa mga tinitingnang motibo sa likod ng pagpapasabog, ayon kay Sr. Jail Insp. Xavier Solda, BJMP spokesperson.

“Isa po ito [jail break] sa tinitingnang anggulo. Pero the soonest time na may dumating na update sa atin, saka lang po kami maglalabas ng statement,” ani Solda.

Narekober mula sa pinangyarihan ang isang UZI with silencer Ingram na may serial number BC01061959; isang empty magazine ng UZI; safety pin ng hand grenade; 14 na pirasong fired cartridge case ng .9mm, at dalawang bala.

Samantala, kinumpirma ni Solda ang agarang pagsibak sa puwesto sa sugatang warden at siyam nitong jail officer na naka-duty nang mangyari ang insidente.

MASUSING IMBESTIGASYON

Ipinahayag ng isa sa mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagnanais ng masusing imbestigasyon sa insidente.

“There should be an in depth investigation on what, why, how it happened,” ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.

Iminungkahi ng opisyal na hayaang tumulong ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagsisiyasat.

“Let the CHR initially look into it,” dagdag ni Diamante.

PAKIUSAP SA PAMILYA NG INMATES

Nanawagan naman ang BJMP sa mga pamilya ng mga bilanggo sa Parañaque City Jail na maging kalmado dahil sinisiguro naman ang kaligtasan ng bawat bilanggo matapos ang insidente.

“Sa mga kaanak ng mga nakakulong ngayon sa Parañaque City Jail, huwag po kayong mag-alala. Maayos po ang kalagayan ng inyong kapamilya. Malayo po ang pinangyarihan ng mismong insidente sa kanilang mga selda,”panawagan ng BJMP.

(MARTIN SADONGDONG, BELLA GAMOTEA, LESLIE ANN AQUINO at CHITO CHAVEZ)