Itinanggi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang mga alegasyon na pumasok ang Department of Foreign Affairs sa maanomalyang transaksiyon para sa pag-iimprenta ng mga electronic passport sa kanyang termino.

Ayon kay Del Rosario, ang mga walang basehang alegasyon ay makaaapekto sa kredibilidad ng DFA bilang isang ahensiya ng pamahalaan.

“The reputation of the DFA is at stake,” sinabi ng dating foreign affairs chief sa mga mamamahayag sa panayam sa sidelines ng forum sa West Philippine Sea na ginanap sa De LaSalle University noong Huwebes.

Nagsampa ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ang anti-corruption watchdog na Anti-Trapo Movement (ATM) laban kay Del Rosario at sa sinundan nitong si Alberto Romulo, kaugnay sa diumano’y overpriced na pag-iimprenta ng mga Philippine passport sa ilalim ng kanilang mga termino bilang pinakamataas na Filipino diplomat.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa reklamong inihain sa Ombudsman, inakusahan ng ATM sina Romulo at Del Rosario ng paglabag sa Section 3 (a) ng Republic Act 3019 o ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay sa pagpapatupad ng e-passport at machine readable passport at visa projects.

Ayon sa reklamo, kinumbinsi at inimpluwensiyahan ng dalawang DFA chief ang iba pang mga opisyal para labagin ang Government Auditing Code of the Philippines, Government Procurement Act at iba pang mga kaugnay na batas nang pumasok ang ahensiya sa P859.7 million contract sa kumpanyang French na Oberthur Technologies sa ilalim ni Romulo.

Ayon sa ATM, hindi lamang lumagpas ang Oberthur sa ibinigay na deadline ng DFA noong 2011, kundi tinaasan din nito ang presyo ng electronic cover ng passport.

Sa ilalim ni Del Rosario pumasok din ang DFA sa parehong kuwestyonableng transaksiyon sa kumpanyang APO Production Unit. (ROY MABASA)