DALAWAMPUNG taon ang nakalipas matapos na huli tayong makasungkit ng Olympic medal, isang hindi inaasahang bayaning Pinay ang namayagpag sa Rio Olympics – si Hidilyn Diaz ng Zamboanga City, na nanalo ng silver medal sa weightlifting.
Hindi nabanggit ang kanyang pangalan sa mga una nang inasahang makapagbibigay ng karangalan sa Pilipinas sa Olympics – hindi ang sarili nating mga opisyal o ang mga dayuhang sports analyst na nakasubaybay sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo at sa nakamamanghang record ng mga ito.
Tatlong atletang Pinoy ang agad na nalaglag sa unang araw ng kumpetisyon—sa table tennis, swimming, at boxing. Sa ikalawang araw lumaban si Diaz sa 53-kilogram (kg) division ng women’s weightlifting. Ang kabuuang 200 kg na nabuhat niya – 88 sa snatch event at 112 sa clean-and-jerk – ay nakamamangha na para sa isang pumangalawa sa bumuhat ng 212 kg para makapag-uwi ng gintong medalya para sa Chinese Taipei.
Magkakasunod na lumabas ang iba pa nating Olympians – sa boxing, judo, swimming – ngunit nabigo sa kani-kanilang mga kalaban. Nananatili pa rin ang ating pag-asa sa golf, marathon, hurdles, long jump, at taekwondo. Hanggang sa huli, umaasa tayo na kahit isa sa kanila ay makatutuntong din sa podium. Ngunit sakali man na walang magtagumpay sa kanila, mayroon nang Pinoy na nagwagi ng medalyang pilak para sa Pilipinas at opisyal nang napabilang sa listahan ng mga nanalo. Nasa ika-36 na tayo sa 41 nanalo ng medalya sa 206 na National Olympic Committee na lumahok sa Rio.
Pinakamalaki ang pag-asa natin sa Olympics ngayong taon sa dalawa nating boksingero ngunit kapwa sila nabigo sa mga una nilang laban. Sa kanyang pagkadismaya, inihayag ng pangulo ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na si Ricky Vargas na magbibitiw siya sa puwesto upang magbigay-daan sa bagong pamunuan—“to refresh ABAP and inspire a pipeline of next-generation boxers,” aniya. Nagpahayag naman ng interes ang Pinoy boxing champion na si Manny Pacquiao na pamunuan ang asosasyon.
Ang naging desisyon ni Vargas na bumaba sa puwesto at bigyang pagkakataon ang bagong pamunuan ay kauna-unahan sa kasaysayan ng palakasan sa Pilipinas. Karaniwan nang nagkakapit-tuko ang mga opisyal ng karamihang sports associations sa kabila ng hindi mahusay na paglahok ng kani-kanilang pambato sa mga pandaigdigang paligsahan. Mas mainam para sa iba pang sports associations na suriin ang kanilang sarili at alamin kung alin ang naging kahinaan nila sa nakalipas na mga taon. At ikonsidera na gayahin ang halimbawa ni Vargas ang pahintulutan ang mga bagong pinuno para sa kabutihan ng sektor ng palakasan sa Pilipinas.
Sa ngayon, ipagdiwang natin ang tagumpay ni Hidilyn Diaz. Naghatid siya ng karangalan para sa ating bansa at mainit na sasalubungin ng ating nagdiriwang at nagpapasalamat na bansa, sa pangunguna ng kapwa niya Mindanaoan – si Pangulong Duterte — sa pag-uwi niya mula sa Rio.