ALAM ng karamihan na ang PSG ay nangangahulugang Presidential Security Group o ang nangungunang ahensiya na layuning siguruhin ang kaligtasan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ngunit may iba itong kahulugan sa mga taga-Barangay Pawili sa Pili, ang sentrong lungsod ng Camarines Sur.
Binigyan nila ng ibang kahulugan ang PSG at ito ay Parents Support Group, na nagsisilbing adbokasiya ng Plan International Philippines, na nagkakaloob sa mga bata ng kakaibang “security”.
Ang nasabing samahan, isang child-centered group na walang relihiyon, pulitika o gobyernong pinapanigan, ay naniniwala na mahalaga ang suporta upang masiguro ang kapakanan ng mga bata sa Camarines Sur.
Ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA), ang PSG sa Pawili, na pinangangasiwaan ng community members, ay nagsimula sa pagkakaroon ng apat na miyembro noong 2013 hanggang sa lumago sa 40 aktibong miyembro.
Sa pagsisigurong ang mga bata ay maayos na inaalagaan at dinidisiplina na hindi kinakailangang “physical contact or degrading punishment” na maaaring maging sanhi para sa mga bata na maging makulit at matigas ang ulo, ang pangunahing layunin ng PSG.
Ayon kay Jayson P. Lozano, project manager ng nasabing programa, ang PSG ay nagpapalaganap ng “positive and non-violent forms of providing discipline to children.”
Sinabi niya na ang ipinagbabawal ng nasabing samahan ang “corporal punishment” at “all forms of degrading and humiliating punishment of children in all settings.”
Aniya, ang corporal punishment ay maaaring sa pamamagitan ng masasakit na salita, pananampal, paninipa, panununtok at iba pang pananakit para lamang pasunurin ang mga bata.
Isasagawa rin ng PSG ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng kanilang “Clean and Green” kung saan ang bawat tahanan ay hinihikayat na magkaroon ng hardin.
“Simula sa kani-kanilang mga bakuran bibigyan sila ng mga libreng binhi at kapag namunga na ay sila naman ang magbibigay ng binhi sa iba pang mga kabarangay na nais ding magtanim.” Sambit ni village councilwoman Erlinda Tengco.
(PNA)