SALVADOR, Brazil (AP) — Kung sa Pilipinas ay basketball, pinakamalapit sa puso ng Brazilian ang football. Kaya’t mistulang nagluluksa ang bansa sa bawat kabiguan ng football team sa international competition.

Sa Olympics, nabuhayan ang pag-asa ng Brazilian para sa isang pambansang pagbubunyi.

Ngayo’t sibak na ang defending champion Mexico at wala na ring pag-asa ang Argentina para sa ikatlong Olympic football gold, mas lumaki ang tsansa ng Brazil para sa kauna-unahang Olympic title.

Matapos ang nakadidismayang laro, humataw ang Brazil para maitarak ang 4-0 panalo kontra Denmark nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) para makausad sa quarterfinal round.

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

Hataw si Gabigol sa dalawang goal, habang nag-ambag sina Gabriel Jesus at Luan sa Arena Fonte Nova.

“The team played a great match,” pahayag ni Brazil coach Rogerio Micale. “We found our game and this time the ball went in. That gave us a lot of tranquility during the match.”

Sunod na haharapin ng Brazilians ang Colombia sa Sabado (Linggo sa Manila), sa Sao Paulo.

Naipit ang Brazil sa scoreless draw sa unang dalawang laro, dahilan para malagay sa alanganin ang kanilang kampanya.

Sa panalo, nakamit nila ang No.1 spot sa Group A tangan ang limang puntos, isang puntos ang bentahe sa Denmark na haharap naman sa Nigeria sa cross-over quarterfinal round.

Kung dati’y pangungutya ang natikman ng Brazilian stars, pagpupuri ang natanggap nila mula sa 40,000 crowd na walang tigil na naghihiyawan para pataasin ang kanilang morale.

Nasibak ang Argentina matapos ang 1-1 draw kontra Honduras, habang nabigo ang Mexico, sumilat sa Brazil sa 2012 London Games, sa South Korea, 1-0.