STA. MARCELA, Apayao – Narekober ng pulisya ang 14 na container gallon na naglalaman ng hinihinalang pangunahing kemikal sa paggawa ng shabu, na kung droga na ay tinatayang aabot sa 600 kilo o nagkakahalaga ng P1.9 bilyon, na natagpuan sa isang liblib na lugar sa Barangay Malekkeg sa bayang ito.
Ang 14 na container gallon ay isa-isang natagpuan sa magkakahiwalay na lokasyon sa hindi kalayuang lugar na nakatago sa ilalim ng puno ng saging malapit sa swamp area, dakong 10:30 ng umaga kahapon.
Ayon kay Chief Supt. Elmo Sarona, director ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, isang concerned citizen sa lugar ang nag-report sa Sta. Marcela Police nitong Biyernes ng gabi tungkol sa mga gallon container na natatabunan ng mga tuyong dahon ng saging.
Sinabi ni Sarona na batay sa background investigation, malaki ang paniniwalang ang nasabing mga kemikal ay bahagi ng naipuslit mula sa shabu laboratory na sinalakay ng pulisya noong Pebrero 16, 2015 sa karatig-bayan ng Lasam sa Cagayan.
“Sa aming intelligence report ay 50 container gallon ang naipuslit noon bago ni-raid ang shabu lab, kaya ngayon sa pagkakadiskubre ng 14 ay may 36 pa kaming hahanapin,” ani Sarona. - Rizaldy Comanda