RIO DE JANEIRO — Hindi inaasahan ni Ian Lariba na ang nakatakda niyang makalaban sa opening match ay ang kanyang training partner.
Sa binagong programa sa women’s singles ng table tennis, makakasubukan ni Lariba ang tulad niyang first-timer na si Han Xing ng Congo sa Sabado ng umaga (Sabado ng gabi sa Manila) sa Riocentro Pavilion.
Sa naunang kalatas ng organizing committee, nakalinyang first match rival ni Lariba ay si Adriana Diaz ng Puerto Rico.
“Yung unang labas, galing sa system ng IOC, hindi pa pala final ‘yun so dinisregard ‘yun. Final na ‘yung sa Congo,” sambit ni Lariba.
Ngunit, imbes na mabahala, ikinatuwa ng La Salle mainstay ang kaganapan dahil kabisado na niya ang laro ni Han, Congolese naturalized athlete na may dugong Chinese at kasalukuyang world ranked No. 161.
“At least napag-aralan ko na ‘yung palo niya. Mahaba-haba na rin ang naging ensayo namin,” aniya.
Sa kabila nito, iginiit ni Lariba na kailangang niyang doblehin o higitan pa ang mga pinagdaanang ensayo laban kay Han na nagwagi ng bronze medal sa 2015 African Games at gold medal winner sa doubles.
“Wala pa ring overconfidence kasi veteran player siya,” sambit ni Lariba, No.325 sa world ranking.
“Since Chinese player siya, malakas talaga,” aniya.