Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang libu-libong residente sa palibot ng Bulkang Mayon sa posibleng pagragasa ng lahar kapag nagtuluy-tuloy ang pag-ulan sa lugar.
Binanggit ni Alex Baloloy, science research specialist, na bagamat nasa normal status ang bulkan, hindi pa rin maiaalis ang pangamba na makaranas ang mga residente ng lahar flows.
Aniya, mayroong natitirang volcanic material deposits sa bunganga ng bulkan na naiwan sa mga naunang pagsabog nito.
Kaugnay nito, maigting pa rin ang pagsubaybay ng Phivolcs sa aktibidad ng bulkan, dahil posibleng magkaroon ng phreatic explosions at ash puffs anumang oras, ayon kay Baloloy. (Rommel P. Tabbad)