Winning streak ng Perpetual, nahila sa apat.
Patuloy ang pagtaas ng kilay ng mga kritiko. Walang tigil naman ang ratsada ng Altas.
Pinalawig ng University of Perpetual Help Altas winning run sa NCAA Season 92 seniors basketball elimination kahapon sa dominanteng 70-53 panalo kontra Emilio Aguinaldo College Generals, sa San Juan Arena.
Maagang nadiktahan ng Altas ang laro at nanatiling mainit ang opensa at depensa sa kabuuan para isantabi ang anumang pagtatangka ng Generals na makabangon mula sa double-digit na bentahe tungo sa ikaanim na panalo sa walong laro.
Tangan ang 6-2 karta, matikas ang katayuan ng Perpetual na nasa likod nang nangunguna at walang talong San Beda Red Lions (7-0) para sa labanan sa Final Four.
Hataw si Bright Akhuetie, itinanghal na player of the week ng Press Corps, sa naitalang 19 na puntos at 12 rebound para sandigan ang Altas sa 17 puntos na bentahe sa first half at hindi na binitiwan ng Sampaloc-based cagers.
Nag-ambag sina Gab Dagangon at Jeffrey Coronel ng 15 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna sa Generals, bumagsak sa 2-6 karta, si Remy Morada na nagtala ng 15 puntos.
“Habang tumatagal, gumaganda yung depensa namin.Yun talaga ang nagdadala sa amin. Maraming hindi makapaniwala sa kinatatayuan namin sa kasalukuyan, pero okey lang yun basta kami tiyaga lang every game,” pahayag ni Altas coach Jimwell Gican.
“May mga lapses pa rin kami pero defense ’yung nagdadala sa amin,” aniya.
Iskor:
Perpetual Help (70) — Akhuetie 19, Dagangon 15, Coronel 10, Hao 9, Singontiko 5, Pido 4, Gallardo 4, Sadiwa 2, Eze 2.
EAC (53) — Morada 15, Laminou 14, Onwubere 13, Corilla 3, Guzman 3, Mendoza 3, Munsayac 2.
Quarterscores:
16-10; 30-20; 48-32; 70-53.