TAHASANG itinanggi ni Jodi Sta. Maria na nagkabalikan sila ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla.
Hindi raw ito totoo kahit may nai-post na mga larawan sa social media na magkasama sila. Nagkahiwalay man daw sila, nananatili pa rin silang magkaibigan.
“Kami naman ni Jolo, eh, magkaibigan naman kami. Wala naman sigurong problema kung nakikita nilang magkasama kami bilang magkaibigan. Sa akin naman, nu’ng sinagot ko ‘yung isyu, na, yes we are no longer together but we are still friends. If once in a while, we do hangout, I don’t find anything wrong naman with that,” sabi ng magandang aktres.
Lahad pa ni Jodi, sa ngayon ay ini-enjoy na muna niya ang single life niya.
“Enjoy muna sa anumang dumating. Huwag munang magpa-pressure sa kahit na ano lalung-lalo na ang tungkol diyan,” napangiting banggit niya.
Samantala, after ng box office hit movie niya with Ian Veneracion and Richard Yap, gagawa ng isa pang pelikula si Jodi na ididirihe naman ni Erik Matti. Kaya kakaiba raw ito sa The Achy Breaky Hearts, medyo horror-suspense at may pagka-psychological-thriller.
“Medyo kinakabahan ako kasi first time ko siya na makatrabaho. Siyempre intimidated din ako sa kanya kasi Erik Matti ‘yan. But still ando’n ang excitement at the same time,” sey pa ni Jodi. (JIMI ESCALA)