Nadakip na ang suspek sa pamamaslang sa siklistang si Mark Vincent Geralde sa Milagros, Masbate bago magtanghali kahapon.

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Vhon Martin Tanto, dating army reservist, ay dinampot ng payapa.

Sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na base sa impormasyong ipinagkaloob ni Col. Fernando Trinidad, ang commander ng Army’s 903rd Brigade na nakabase sa Masbate, nadakip si Tanto sa Barangay Poblacion S. Milagros, Masbate, dakong 11:50 ng umaga kahapon.

Ayon kay Padilla, nahuli ang suspek dahil sa mga operatiba ng Army Intelligence ng 9th Infantry Battalion at sa pakikipagtulungan ng Masbate Provincial Police Office.

Betong Sumaya, pumatol sa basher: 'Wag kang manood!'

“The suspect reportedly did not resist when he was apprehended,” pahayag ni Padilla.

Matatandaang naglunsad ang Manila Police District (MPD) ng isang manhunt operation laban kay Tanto matapos itong mabigong sumuko hanggang 5:00 ng hapon noong Miyerkules.

Ayon pa sa AFP, si Tanto ay hindi na bahagi pa ng kapulisan simula nang huli itong magpakita sa kanyang unit noong Enero 2015. Naiulat din na inabandona na ni Tanto ang kanyang responsibilidad bilang Army reservist.

Naibiyahe na umano si Tanto mula sa Masbate patungong Maynila kahapon ng hapon at inaasahang darating ngayong 9:00 ng umaga sa MPD kung saan siya kakasuhan ng murder at frustrated homicide matapos madamay at madaplisan ng stray bullet ang estudyanteng si Rocel Bondoc, 18, sa nangyaring insidente.

Samantala, nitong Huwebes ay naglaan ng P100,000 cash reward si Manila Mayor Jospeh Estrada sa sinumang makapagtuturo kay Tanto at ito ay dinagdagan pa ng P100,000 ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.

(BETHEENA KAE UNITE at MARY ANN SANTIAGO)