AABOT sa 100 concerned citizen na karamihan ay police personnel, sundalo, at iba pang indibiduwal ang naghandog ng 100 bag ng dugo na daldalhin sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa isinagawang blood-letting activity na pinangunahan ng Imus City government sa pagdiriwang ng National Disaster Consciousness Month sa Robinson’s Place nitong nagdaang linggo.
Pinangunahan nina Imus City Mayor Emmanuel “Manny” Maliksi, Vice Mayor Ony Cantimbuhan at Cavite 3rd District Representative Alex “AA” Advincula ang makabuluhang selebrasyon sa pamamagitan ng blood donation activity na dinaluhan ng mga city official, empleyado, volunteer at organisasyon.
Ngayong buwan ipinagdiriwang ang National Disaster Conciousness Month na may temang, “Dugong Alay Ko, Dugtong ng Buhay Mo” sa pakikipagtulungan ng city government, City Disaster Risk Reduction and Management Office, National Kidney Transplant Institute, Masonic District R 4-A, Cavite East and West, Philippine Red Cross at ng Robinson’s Place sa Cavite.
Pinasalamatan ni Dr. Lester Zamora, NKTI doctor, ang city government sa pamamahala ng ikalawang blood-letting activity sa Cavite.
Katuwang ni Zamora ang dalawa pang doktor at walong nurse sa pag-aasikaso ng blood-letting kasama ang mga donor mula sa Philippine Army, Philippine National Police at ilang residente ng Imus.
Ayon sa Philippine Red Cross, kinakailangang nasa maayos na kondisyon ang blood donors at nasa edad 16 hanggang 65 taong gulang.
Bukod diyan, kinakailangan din nasa 110 pounds ang timbang; may blood pressure na: Systolic: 90-160 mmHg, Diastolic: 60-100 mmHg.
Karamihan sa blood donations ay mapupunta sa National Kidney Transplant Institute sa Quezon City kung saan pini-preserve ang dugo at nilalagay sa refrigerator at ipadadala sa NKTI o Philippine Red Cross, ayon pa kay Zamora. (Philippines News Agency) (PNA)