Isang umano’y kilabot na tulak ng droga ang binaril at napatay sa isang buy-bust operation sa Marikina City, nitong Linggo.

Kinilala ni Supt. Lorenzo Holanday, hepe ng Marikina City Police, ang napatay na si Romeo Parsaligan, alyas Omend, 30, ng Barangay Tumana, Marikina City.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy-bust ang mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Marikina Police sa Tumana, dakong 11:00 ng umaga nitong Linggo at tumayong poseur buyer ang isang pulis.

Ngunit nang makahalata ang suspek na pulis ang katransaksiyon ay bigla umano itong nagpaputok ng baril, kaya gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapatay kay Parsaligan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakarekober ang pulisya ng apat na plastic sachet at isang .38 caliber revolver sa pinangyarihan ng sagupaan.

Sinabi ng pulisya na kilala umanong drug pusher sa lugar si Parsaligan.

Ayon sa mga kapitbahay, madalas nilang nauulinigan ang pagtatalo ni Parsaligan at ina nito tuwing igigiit ng huli na tigilan na ang anak ang bisyo. (Madelynne Dominguez)