PINANGUNGUNAHAN ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang 38th National Disability Prevention at Rehabilitation (NDPR) Week. Ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 361, s. 2000 at Administrative Order No. 35, s. 2002
Ang tema ng NDPR ngayong linggo ay “Karapatan ng May Kapansanan, Isakatuparan… Now Na!” Itinampok noong Hulyo 17 ang mga pasimulang aktibidad ng Philippine Academy of Rehabilitation Medicine (PARM), Making Ourselves Vigilant to Exercise (MOVE), Walk for Your Rights, at pagbubukas ng seremonya para sa isang-linggong aktibidad gayundin ang exhibit sa mga ayudang kagamitan at teknolohiya para sa mga people with disability (PWD).
Noong Hulyo 18, nagdaos ng orientation seminar sa disability-inclusive Disaster Risk Reduction and Management; at ang Paligsahan ng May K sa Kasaysayan at Kultura ng Pilipinas. Nagsagawa rin ng forum sa disability-inclusive corporate social responsibility nitong Hulyo 19 at isang orientation para sa mga magulang at advocates sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa mga karapatan ng PWD nitong Hulyo 20.
Idinaos kahapon, Hulyo 21, ang isang forum tungkol sa accessibility, universal design, at accessibility audit para sa mga arkitekto at inhinyero ng Ortigas Group of Companies at mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region. Ngayong Hulyo 22, magkakaroon ng forum sa papel ng mga propesyunal sa pangangasiwa ng kapansanan at isang orientation seminar sa disability mandates para sa mga lokal na mambabatas. Sa Hulyo 23, isang aktibidad na tinatawag na Inclusive Quiz “D” ang isasagawa para sa mga PWD at non-PWDs. May mga seremonya rin sa pag-aalay ng bulaklak sa Polytechnic University of the Philippines campus sa Sta. Mesa at sa Tanauan, Batangas. Matatapos ito sa isang closing ceremony sa hapon.
Ang pagtatapos ng NDPR Week tuwing Hulyo 23 ng kada taon ay bilang pagpupugay sa Dakilang Paralitiko na si Apolinario Mabini na naging inspirasyon sa pagdedeklara ng isang-linggong pagdiriwang at naging katangi-tanging idolo para sa mga PWD dahil sa kanyang “exemplary and dedicated heroic acts during the Philippine Revolution.”
Ang taunang pagdiriwang sa National Disability Prevention at Rehabilitation Week ay humihimok sa atin na magkaroon ng dignidad at paggalang sa mga may kapansanan sa pamamagitan ng mga nagbubuklod na polisiya at isinasakatuparan ang mga mekanismo tulad ng pagsasanay para sa trabaho, paglikha ng hanapbuhay, mobility reforms, at kadalian para sa mga pangunahing serbisyo. Alinsunod sa Sustainable Development Goals, huwag nating hayaang may maiwan, lalong-lalo na sa mahigit isang milyong PWD na karapat-dapat na mabigyan ng tulong at gustung-gusto na makibahagi sa pamamagitan ng positibong pakikiisa sa pagsusulong ng bansa.