CAMP JUAN VILLAMOR, Abra – Upang linisin ang kanyang pangalan at bigyang-diin na matagal na siyang hindi gumagamit ng droga kasunod ng pagsuko niya sa awtoridad kamakailan, napaulat na nagpahayag ng kahandaan si Manabo Mayor Darell Damasing na sumailalim sa drug test.

Ayon kay Supt. Mark Pespes, officer-in-charge ng Abra Police Provincial Office (APPO), kumasa si Damasing sa hamon ng pulisya na magpa-drug test ito upang mapatunayang matagal na itong hindi gumagamit ng droga.

Sinabi ni Pespes na magpapa-schedule ng drug test ang alkalde at hihimuking sumailalim din dito ang iba pang lokal na opisyal.

“Sabi niya (Damasing) na matagal na siyang wala sa drugs, but we challenged him for drug testing,” saad sa text message ni Pespes sa may akda. “Magpapa-sched siya ng test with other local government officials.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hulyo 18 nang boluntaryong sumuko sa pulisya si Damasing, ng National Unity Party. Kasabay niyang sumuko noong Lunes si San Juan Councilor Generoso Bose, 54, ng Liberal Party.

Ang dalawa ang mga unang pulitiko na sumuko kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay Pespes, inamin ng dalawa na gumamit sila ng ilegal na droga kaya minabuti nilang sumuko upang magbagong-buhay.

“Lumagda ang dalawa sa undertaking at nanumpa na hindi na gagamit ng droga at makikipagtulungan daw sila na mahimok ang pinaghihinalaang kababayan na gumagamit ng droga na sumuko na rin,” sabi ni Pespes.

Sa tala, may kabuuang 799 na tulak at adik ang sumuko sa Abra, 14 ang nadakip sa mga buy-bust operation, at dalawa ang napatay. (RIZALDY COMANDA)