Dalawang bangkay ng babae ang natagpuan sa gilid ng kalsada na malapit sa isang kilalang parke sa Ermita, Manila, kahapon ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima na ang isa ay inilarawang nasa 5’2” ang taas, tinatayang nasa edad 30, nakasuot ng t-shirt at maong na shorts at tsinelas, habang ang isa nama’y tinatayang nasa edad 30 din, 4’11” ang taas, nakasuot ng itim na jump suit, tsinelas, at may Hello Kitty tattoo sa kanang braso at larawan ng isang batang babae sa kaliwang braso.

Ayon sa Manila Police District (MPD), dakong 3:20 ng madaling araw nang madiskubre ang umaalingasaw na bangkay ng mga biktima.

Natagpuang nakatihaya ang isang biktima at naliligo sa sarili nitong dugo, habang nakadapa naman ang isa pa.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Nang siyasatin ng mga awtoridad ang mga bangkay ay nadiskubreng kapwa may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang mga mata at bibig ng mga biktima ay nakapiring gamit ang duct tape, habang nakatali naman ang kanilang mga kamay gamit ang cable wire.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktima.

(Mary Ann Santiago)