Nagwakas ang buhay ng isang 34 taong gulang na lalaki matapos ipagtanggol ang nakatatandang kapatid laban sa dati nitong kaaway sa Tondo, Manila nitong Martes ng umaga.

Nalagutan ng hininga si Reynan Duallo ng Almeda St., Tondo, nang makailang ulit paputukan ng baril ni Jeffrey Agustin ng Interior 8, Tondo, Manila, sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Police Officer 3 Jorlan Taluban, case investigator, nangyari ang insidente sa pagitan ng Estero de San Lazaro at Tayuman Streets, dakong 9:30 ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang nakatatandang kapatid ni Reynan na si Eric Duallo, 43, ang matagal nang kaaway ni Agustin.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Nitong Martes ng umaga, muling nagkrus ang landas nina Eric at Agustin sa Estero de San San Lazaro. Nagbanta si Agustin, na armado ng hindi natukoy na uri ng baril, na papatayin ang matagal na niyang kaalitang si Eric.

Dahil sa sobrang takot, tumakbo si Eric papalayo kay Agustin at tinawag ang kapatid na si Reynan para humingi ng tulong. Nagdesisyon umano ang magkapatid na magsumbong sa mga barangay official, ngunit kinompronta na muna ni Reynan si Agustin.

Dahil sa matinding pagtatalo, dali-daling binunot ni Agustin ang kanyang baril at paulit-ulit na pinagbabaril si Reynan na ikinabulagta nito sa semento.

Kumaripas si Agustin mula sa pinangyarihan nang makitang duguan si Reynan at wala nang buhay.

Samantala, isinugod pa umano ni Eric, katuwang ang mga rumespondeng barangay official, ang kapatid sa Jose Reyes Memorial Medical Center. Ngunit sa kasamaang-palad, idineklara na itong dead on arrival.

Nagsasagawa na ang Police Station 7 ng follow-up investigation upang arestuhin si Agustin. (ANALOU DE VERA)