Anim na katao, tatlo sa mga ito ay babae, ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng apat na hindi pa nakikilalang armado, habang masayang nag-iinuman ang mga biktima sa isang birthday celebration sa loob ng isang sementeryo sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang mga biktimang sina Myrna Moon, 50; Edmund Otico, 28; Elmer Oticao, 31; Fe Nicanor, 43; at dalawa pa na nakilala lamang sa alyas na “Baby” at “Peter Bakla”.

Sina Moon at Nicanor ay ideneklarang dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Hospital sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang sina Otico, Oticao, Baby at Peter Bakla ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center.

Ayon sa report, dakong 1:00 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa loob ng Tugatog Cemetery, sa Dr. Loscano Street, Barangay Tugatog, Malabon City.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Kaarawan umano ni Edmund at masayang nag-iinuman ang mga biktima nang biglang sumulpot ang apat na suspek na pawang mga nakasuot ng bonnet at lulan ng dalawang motorsiklo.

Pinaulanan umano ng bala ang mga biktima na naging sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Bumaba pa umano sa kani-kanilang motorsiklo ang mga suspek at inilagay sa mga bumulagtang biktima ang isang puting papel na may nakasulat na: “Pusher kami, ‘wag tularan” at humarurot paalis.

Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (S.O.C.O) ang isang heat sealed plastic sachet na may lamang shabu at walong basyo ng cal. 45.

Napag-alamang sangkot si Moon sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos aminin ng kanyang anak.

Kasalukuyang isinasagawa ang follow-up investigation upang malaman ang mga taong nasa likod ng pamamaril.

(Orly L. Barcala)