Hiniling ng World Anti-Doping Agency (WADA) sa International Olympic Committee (IOC) na i-banned ang buong delegasyon ng Russia sa gaganaping Rio Olympics.
Nakatakda ang Rio Games sa Agosto 5-21.
Ibinase ng WADA ang desisyon bunsod nang nakakaalarmang bilang ng mga atletang Russian na nagpositibo sa droga matapos ang isinagawang re-testing sa mga sample ng mga atleta na sumabak sa nakalipas na dalawang Olympics.
Lumabas din sa isinagawang imbestigasyon hinggil sa pagpapasara ng state-run laboratory facility sa Moscow kung saan lumalabas na 312 kaso ng doping ang itinago ng naturang pasilidad.
“A mind-blowing level of corruption within both Russian sport and government,” pahayag ni Travis Tygart, CEO ng US Anti-Doping Agency.
Nakatakdang magpulong ang IOC Executive Board sa Martes (Miyerkules sa Manila) para talakayin ang naturang isyu.
Nauna rito, nagpahayag si IOC president Thomas Bach na handa ang Olympic body na magbigay ng mabigat na kaparusahan sa isyu ng doping.
Ngunit, hindi lahat ay pabor sa total ban ng Russian athlete.
“The right to participate at the games cannot be stolen from an athlete, who has duly qualified and has not been found guilty of doping,” pahayag naman ni Bruno Grandi, pangulo ng Gymnastics International Federation.
“Blanket bans have never been and will never be just.”
Hindi kabilang ang gymnastics sa sports kung saan nasabit ang Russia, habang naitala ang 28 sa 312 na kaso ng doping na itinago ng Russia sa wrestling.
“We will absolutely follow the decision of the IOC,” sambit naman ni International Wrestling Federation Nenad Lalovic ng Serbia sa The Associated Press.