Itataya ni Pinoy slugger Joebert “Little Pacman” Alvarez ang world ranking sa pagkasa kontra Amerikanong si Miguel “No Fear” Cartagena sa Sabado, sa Kissimme Civic Center, Kissimme sa Florida.
Kasalukuyang nakalista bilang No. 7 sa WBO at No. 10 sa IBF rankings sa flyweight division si Alvarez na natalo lamang sa puntos kay WBA at WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada sa kanilang 10-round non-title bout sa Hemosilla, Sonora, Mexico noong Disyembre 6, 2014.
Sinasanay ni Nonito Donaire Sr., nagsimulang magampanya sa international si Alvarez noong Abril 4, 2014 nang kumbinsidong talunin niya sa puntos si one-time world title challenger at Mexican flyweight champion Julian Rivera para masungkit ang WBC Continental Americas flyweight crown.
Sa kanyang huling laban noong Marso 19, 2016, pinatulog niya sa tatlong round si WBO Latino flyweight champion Jonathan Gonzalez sa Guaynabo, Puerto Rico para matamo ang WBO NABO flyweight crown.
Kasalukuyan namang IBO International super flyweight titlist si Cartagena bagamat natalo sa puntos sa kanyang huling laban kay Mexican Ricardo Rodriguez noong Pebrero 26, 2016, sa Palm Bay, Florida para sa bakanteng WBO Latino super flyweight title.
May rekord si Cartagena na 14-3-0, habang hawak ni Alvarez ang 15-1-1 marka. (Gilbert Espena)