TROON, Scotland (AP) — Umabot sa 112 taon ang hinintay para mapabilang ang golf sa regular event ng Olympics. Ngunit, sa pagratsada ng golf sa Rio Games, kulang sa ningning ang pagbabalik ng isa sa pinakamatandang sports sa mundo matapos tumalikod ang ilan sa pinakamalalaking bituin, kabilang ang world top four.

Tuluyang nagdilim ang kapalaran ng golf – nagbabalik mula noong 1904 – nang pormal na ipahayag ni world No.2 at three-time major champion Jordan Spieth na hindi siya lalaro sa Olympics bunsod ng pangamba sa Zika virus.

Ipinarating ni Spieth ang desisyon nitong Lunes (Martes sa Manila), sa International Golf Federation.

Lalaruin ang golf sa Rio na wala ang apat na highest-ranked player na tinanghal na kampeon sa huling walong major championship.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ayon kay IGF President Peter Dawson, idinahilan ni Spieth ang “health issues” sa pag-atras para pangunahan ang Team US sa Olympic golf.

Nauna nang umatras sina No.1 Jason Day, No.3 Dustin Johnson at No.4 Rory McIlroy na pawang idinahilan ang takot na madapuan ng Zika virus, na idineklarang epidemya sa Latin America, kabilang na ang Brazil.

Sa kabuuan, 18 binatang golfer ang umatras na lumahok sa Olympics.

Sa kababaihan, tanging si Lee Anne Pace ng South Africa ang umatras dahil sa isyu ng Zika.

Batay sa report ng World Health Organization (WHO) ang Zika virus, nakukuha sa kagat ng lamok ngunit naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik, ang itinuturong dahilan sa pagkakaroon ng depekto sa laki ng utak at ulo ng sanggol.

“There is no doubt that the number of withdrawals hasn’t shed golf in the best light, and we have to accept that,” pahayag ni Dawson.

“But we do understand why these individual decisions have been taken. Personally, I think there’s been something of an overreaction to the Zika situation, but that’s for individuals to determine, and there’s certainly a great deal of concern about this issue inside the game of golf, no doubt about that.”

Dagok sa golf ang kaganapan at posibleng maapektuhan ang katayuan ng sports sa Olympics sa hinaharap. Sa kabila ng pangako ng mga player na makikibahagi sa 2020 Games sa Tokyo, Japan, nakatakdang magpulong ang International Olympic Committee (IOC) sa susunod na taon para pagbotohan kung mananatili ang golf bilang regular sports ng quadrennial meet.

Ikinadismaya rin ni NBC Sports Group Chairman Mark Lazarus ang kaganapan. Nakalinyang ipalabas sa Golf Channel ng NBCUniversal ang golf competition.

“Surprising and disappointing,” sambit ni Lazarus.