Isang sundalo ng Philippine Army ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng kanyang kasamahan sa Barangay Sangali, Zamboanga City, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), nangyari ang insidente dakong 9:00 ng umaga nitong Linggo sa Sitio Daap, Barangay Sangali, Zamboanga City.

Kinilala ni Senior Insp. Helen Limen Galvez, ng ZCPO, ang sugatang biktima na si Pfc. Ricky Bunsalao, habang ang suspek ay nakilala lamang bilang “Rene Upo.”

Ayon sa pulisya, nakasakay sa motorsiklo ang biktima kasama ang kanyang misis nang biglang lapitan at barilin ng suspek.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakatakbo pa sa loob ng inuupahang bahay ang biktima at nakahingi ng tulong habang ang kanyang misis ay pinalad namang hindi tinamaan ng bala, ayon sa police report.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril ng suspek na kasamahang sundalo ng biktima. (Fer Taboy)