Sa ikatlong pagkakataon, muling naaresto ang isang 66-anyos na babae na tinaguriang “drug queen” sa buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa report kay Senior Supt. Johnson Almazan, hepe ng Caloocan City Police, kinilala ang naaresto na si Edna Morales, 66, ng No. 36 Panday Pira Street, Bagong Barrio.

Base sa ulat, dakong 9:00 ng gabi nang ikasa ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ang buy-bust, sa pamumuno ni Senior Insp. Bernard Pagaduan, sa may Panday Pira.

Sina SPO2 Noli Albis at PO2 Rolando Tagay ang pumuwesto habang nakikipagnegosasyon ang poseur buyer kay Morales.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Matapos iabot ang anim na plastic sachet na may aabot sa 1.4 na gramo ng shabu ay dinamba na ng mga pulis si Morales.

Hunyo 10 ngayong taon nang dakpin si Morales sa loob ng presinto makaraang suhulan ng P15,000 si SPO2 Samuel Dela Cruz upang makalaya si Virginia Marcos, na nahuli sa ilegal na droga.

Dinakip din si Morales ng mga pulis noong Oktubre 22, 2012 matapos tangkaing suhulan ang mga tauhan ng SAID-STOG ng P100,000 para sa paglaya ng kanyang anak na si Christopher, na sangkot din sa droga.

Setyembre 9, 2013 nang sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Caloocan City Police ang bahay ni Morales pero nakatakas ang matanda dahil may CCTV sa kalsada sa tapat ng bahay nito. (Orly L. Barcala)