HOKKAIDO, Japan -- Kinapos si Pinoy golf star Juvic Pagunsan sa final round sa naiskor na 72 para sa sosyong ika-10 puwesto sa Japan PGA Championship nitong Linggo, sa Hokkaido Classic Golf Club.
Kasosyo sa ikalimang puwesto sa pagsisimula ng final round, hindi kinasiyahan ang ratsada ng tubong Apo sa Davao sa naiskor na tatlong bogey sa back nine.
Tumapos ang dating Asian PGA Money winner, sa 8-under 280 may walong stroke ang layo sa kampeon. Umiskor si Pagunsan ng 71-70-67 sa unang tatlong round. Naiuwi niya ang ¥3,630,000 (P1.7 milyon).
Naitala ni Hideto Tanihara ang best score sa final round sa 63 para makapuwersa ng playoff kay Toshinori Muto, na tumapos na may 69.
Nakuha ni Tanihara ang kampeonato at premyong ¥30,000,000 ( P14 milyon).
Nakopo ni Young Han Song ng Korea ang solong ikatlong puwesto sa naiskor na 65 para sa kabuuang 268, habang kumana si Michael Hendry ng New Zealand ng 67 para sa kabuuang 275 at solong ikaapat na puwesto.