NAG-ISSUE si Zambales Gov. Amor Deloso ng isang moratorium na pansamantalang nagpapahinto sa lahat ng operasyon ng pagmimina sa kanyang lalawigan. Saklaw ng Executive Order na kanyang inisyu ang buong lalawigan, mga munisipalidad ng Sta. Cruz, Candelaria at Masinop upang magkaroon ng bagong konsultasyon sa mga komunidad na direktang naapektuhan ng bagyong Lando at patuloy na pagbabanta ng pagmimina.
Malawakang baha dulot ng bagyong Lando at iba pang kalamidad ilang taon na rin ang nakararaan ang nag-iwan ng matinding pinsala sa mga ari-arian, imprastraktura, pangisdaan at agrikultura.
Matinding napinsala ang mga lugar kung saan tinangay ng baha ang napakaraming lupa na napabayaan ng mga minahan.
Napakaraming naanod na lupang pula at kayumanggi ang natambak sa mga sakahan, mga daan at mga residential area.
Dumating na nga ang panahon ng mga bagyo ngunit hindi pa nag-iisyu ang DENR Mines and Geosciences Bureau ng hinihiling na moratorium sa pagmimina sa Zambales. Nangangamba ang mga mamamayan sa muling pagbabalik ng mga kapahamakang pinatindi ng pagmimina.
Ang mga kumpanya ng pagmimina, sentimiyento ni Deloso, ay kumikilos sa Zambales may ilang dekada na ngunit wala namang nagiging milyunaryo sa naturang lalawigan. Sa loob ng 75 taon, nagmimina ng chromite ang Acoje; ang Coto Mines, 50 taon para sa ginto; at apat na iba pa na kinabibilangan ng Benguet Corp., Int. Archipelogo Mining Corp., Zambales Diversified Metals Corp., at ng Eramen Minerals Inc. Noong nakaraang buwan, nag-isyu ang Supreme Court ng isang Writ of Kalikasan laban sa mga ito, kabilang ang Shanghai Mining and Trading Corp at inatasan ang Court of Appeals na magsagawa ng mga pagdinig upang malaman kailangan ang isang Temporary Environmental Protection Order.
Binibigyan ng Local Government Code ng kapangyarihan ang mga provincial governor na magpatupad ng mga agarang hakbang kung kinakailangan kapag nagkaroon ng kapahamakang likha ng tao.
***
Taos-puso kong pinasasalamatan si Tuguegarao Archbishop Emeritus Diosdado Talamayan, DD, sa kanyang liham na nagdudulot ng inspirasyon hinggil sa pagpanaw ng mabuti kong kaibigan na si Ambassador Antonio L. Cabangon Chua.
Narito ang isang bahagi ng naturang liham:
“I am aware of the role you played in the life and success of our common friend, Amba Tony Cabangon Chua. So it was a joy to see you at his 40th day of flight. He was my friend, benefactor and spiritual brother. He helped people and the Church. When I reflect on his life, I conclude charity is alive. Let’s continue our support and prayers for his blood and mega family, that they continue his legacy of service and values.”
Salamat po, Your Excellency, Archbishop Talamayan. Salamat din sa inyong pagbabasbas sa aking maybahay na si Ofelia, sa aking pamilya at sa aking mga mahal sa buhay. (Johnny Dayang)