Nanatiling nangunguna ang Mapua at defending champion San Beda matapos magposte ng lopsided win kahapon sa magkahiwalay na laban sa NCAA Season 92 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.

Inilampaso ng Red Robins ang San Sebastian College Staglets, 101-45, habang dinurog ng Red Cubs ang Emilio Aguinaldo College- Immaculate Concepcion Academy Brigadiers,107-60 para makamit ang kani- kanilang ikatlong sunod na panalo.

Buhat sa 38-19 na kalamangan sa halftime, tuluyang kumalas ang Red Robins sa third period na nagtapos sa iskor na 63-35.

Nagposte ng tig-15 puntos sina Rommel Junsay, Jasper Salenga at Bryan Samudio upang pangunahan ang nasabing panalo ng Mapua na nagsadlak naman sa Staglets sa ikaapat na dikit nitong talo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umiskor naman ng 17 puntos si Sam Abu Hijle at tig-14 puntos naman sina Germy Mahinay at Joshua Tagala upang pamunuan ang panalo ng Red Cubs.

Mula sa 11 puntos na bentahe sa first half, 43-32, dinoble ito ng San Beda sa third period, 75-50 sa pamumuno nina Tagala at Ry de la Rosa.

Nasadlak naman ang Brigadiers na pinangunahan ni Kerby Dulatre na may 16 puntos sa ikatlong sunod nilang kabiguan.

(Marivic Awitan)