Posibleng muling magkaharap sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa Malacañang “anytime” para sa isang courtesy call.

Sa isang ambush interview sa Naga City nitong weekend, sinabi ni Robredo na malaki ang posibilidad na muli silang magkita ng Presidente, at sa susunod na pagkakataon ay sa mismong Malacañang, matapos siyang humiling dito ng courtesy call nang saglit silang magkausap sa change of command ceremony ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City nitong Biyernes.

Sinabi ni Robredo na sa unang beses nilang pagkikita ay humiling siya rito ng courtesy call sa Palasyo.

“Ang sabi ko, ‘Mr. President, buti naman po at nagkita na tayo, kasi ipapaalam ko po sa iyo na kung puwede po akong makipag-set ng courtesy call,” kuwento ni Robredo, na sinagot umano ni Duterte ng “anytime.”

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Tingin ko naman very sincere, mabait naman siya sa akin,” sabi ni Robredo. “Kaya pagbalik ko sa opisina, iyon na ang ibinilin ko sa office… mag-contact sa opisina ni Pangulong Duterte at makipag-set ng appointment soonest available time.

“Parang sa akin siguro, masayang masaya lang ako kasi nabigyan kami ng pagkakataon na magkita at iyon nga, parang iyong pagkasabi ko sa kanya na makikipag-set ako ng appointment, iyon, feeling ko welcome naman ako,” dagdag pa ng Bise Presidente.

Inamin ni Robredo na hindi niya inaasahan ang ipinakita sa kanya ng Pangulo—na inilarawan niyang “napakabait”—at sinabing inihanda niya ang sarili sa posibilidad na hindi siya pansinin nito sakaling magkita sila.

Sinabi pa ni Robredo na umaasa siyang magiging “harmonious” at “cordial” ang ugnayan ng kanyang tanggapan at ng kampo ng Presidente. - Merlina Hernando-Malipot