MISTULANG ginimbal ng hahaliling Duterte administration ang industriya ng pagmimina lalo na ang illegal mining. Sa pagkakahirang kay Gina Lopez bilang bagong Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nangaligkig, hindi sa lamig kundi sa nerbiyos, ang mga minero na wala nang inatupag kundi wasakin ang kalikasan at kapaligiran dahil sa iresponsableng pagmimina.

Walang pag-aatubiling inalok ni President-elect Rodrigo Duterte si Lopez upang pamunuan ang naturang tanggapan na malimit na ginigiyagis ng matinding problema hinggil sa illegal mining; may mga pagkakataon na naghahari ang mga pagsasamantala sa ating mga likas na kayamanan. Wala ring pag-aatubuling tinanggap ni Lopez ang naturang tungkulin kaakibat ang matatag na determinasyong lipulin ang labag sa batas na pagmimina.

Hindi ko personal na kakilala ang bagong opisyal subalit nasubaybayan ko ang kanyang masugid na pagtataguyod ng kilusan laban sa mga mapangwasak ng likas na kayamanan. Hindi ko rin matiyak kung siya o ang kanyang mga kaanak ay may kaugnayan sa pagmimina o mga negosyo na kauri nito na maaaring maging balakid sa tinatawag na conflict of interest.

Sa anu’t anuman, naniniwala ako na sa pamumuno ni Lopez sa DENR, matutuldukan na ang mga pinsalang idinudulot ng hindi mapagkakatiwalaang pagmimina. Sa paghahanap ng ginto, tanso, tumbaga at maging ng black sands, kailangan ang walang patumanggang paghuhukay sa bundok; at hindi dapat tumigil hanggang hindi natutuklasan ang nabanggit na mga likas na kayamanan. Kasabay nito ang pamumutol ng mga punongkahoy sa pag-aakala na ang kinatatayuan nito ay maaari ring mapagkunan ng naturang mga kayamanan: Ang paghuhukay sa bundok ay nagpapababaw din sa kalapit na mga ilog na halos pumatay naman sa mga aquatic resources.

Lingid marahil sa kaalaman ng ating mga kababayan, karamihan sa minero ay mga dayuhan at mga salot ng kabundukan.

Sila ang namumunini at nagkakamal ng limpak-limpak na pakinabang na lalo pang lumalaki sapagkat hindi pinagbabayad ng buwis ang nahuhukay nilang mga ginto at tanso. Sa ganitong operasyon ng mga minero, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga mamamayan, lalo na ng mga naninirahan sa mga illegal mining city.

Ang paglutas ng mga problemang ito ang nakaatang sa mga balikat ni Lopez. (Celo Lagmay)