Sinabi ng foreign minister ng Indonesia noong Biyernes na hindi aalis sa mga pantalan ang mga coal shipment patungo sa Pilipinas hanggang sa matiyak ng Manila ang kaligtasan sa mga tubig nito matapos ang pagdukot sa pitong Indonesian, ang huli sa serye ng mga pagdukot sa karagatan sa rehiyon.

Hindi pa malinaw kung ang mga marino ay dinukot ng Abu Sayyaf Group, na pumugot sa dalawang Canadian nitong mga nakaraang linggo matapos pumaso ang deadline sa pagbayad ng ransom. Hawak pa rin ng grupo ang mga Malaysian seamen at mga turistang Japanese, Dutch at Norwegian.

Nababahala ang Indonesia na ang pamimirata sa bahagi ng Sulu Sea, isang pangunahing sea traffic corridor para sa world’s top thermal coal exporter, ay umabot na sa lebel na dating nasaksihan sa Somalia.

“The moratorium on coal exports to the Philippines will be extended until there is a guarantee for security from the Philippines government,” sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa mamamahayag.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ang Indonesia ang nagsu-supply ng 70 porsiyento ng pangangailangan sa coal import ng Pilipinas, na ayon sa Indonesian data ay tinatayang nasa 15 milyong tonelada, nagkakahalaga ng halos $800 million, noong nakaraang taon.

Sinabi ng mga analyst na $40 billion halaga ng cargo ang dumaraan sa mga dagat na ito bawat taon, kabilang na ang mga supertanker mula sa Indian Ocean na hindi magamit ang siksikang Malacca Strait.

Naunang sinabi ni Marsudi na dinukot ang pitong Indonesian ng dalawang grupo ng armadong kalalakihan na nakasakay sa mga tugboat na humihila sa barge na nagdadala ng coal, at gagawin ng gobyerno ang lahat “to free the hostages”.

Labing-apat na Indonesian ang dinukot sa magkakahiwalay na pag-atake sakay ng mga tugboat noong Marso at Abril ngunit pinalaya noong Mayo. Abril din nang inatasan ng Indonesian navy ang lahat ng commercial vessels na iwasan ang mga tubig malapit sa katimogan ng Pilipinas na pinamumugaran ng mga pirata.

Naalarma sa dalas ng mga pag-atake, itinigil ng ilang port authorities sa Indonesia, partikular na sa Kalimantan sa isla ng Borneo, ang pagbibigay ng mga permit para maglayag ng mga coal patungo sa katimogan ng Pilipinas.

Tiniyak ng mga opisyal ng Pilipinas na kumikilos ang gobyerno para masupil ang pamimirata at ang mga coal importers ay maaaring kumuha sa ibang supplier, na magtutulak sa pagtaas ng presyo nito.

“There will be additional transportation costs if the coal will come from Australia or Russia so that means additional costs,” sabi ni Rino Abad mula sa Department of Energy.

Ang pagtaas ng mga hijacking sa dagat ang nagtulak sa Indonesia, Pilipinas, at Malaysia na magkasundo sa pagsasagawa ng coordinated patrols sa hinaharap upang matiyak ang kaligtasan sa abalang daluyan ng tubig sa rehiyon. (Reuters)