Matapos na hindi makitaan ng probable cause, tuluyan nang ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang reklamo ng Amerikanong si Lane Michael White laban sa anim na airport authorities na isinangkot sa isyu ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa DoJ, inabsuwelto na sa kaso sina SPO2 Rolando Clarin, SPO4 Ramon Bernardino, Chief Insp. Adriano Junio, at SPO2 Romy Navarro, matapos na walang nakitang probable cause para idiin sa kasong planting of evidence at robbery-extortion ang mga ito.
Maging ang kaso laban kina Maria Elena Cena at Marvin Garcia, ng Office of Transportation Security (OTS), ay ibinasura na rin.
Napag-alaman na nabigo ang kampo ni White na makapaglahad ng sapat na ebidensiya upang tuluyang kasuhan sa korte ang mga respondent.
Plano naman ni White na iapela ang reklamo upang tuluyan nang mahinto na umano’y tanim bala sa NAIA. (Beth Camia)