PAGKAKALOOBAN ng Gawad Rizal ang siyam na taga-Rizal na napili bilang natatanging Rizalenyo o Most Outstanding Rizaleño ngayong 2016.

Ang parangal ay ipagkakaloob ng pamunuan at mga miyembro ng Rizaleño Awards Group, sa pangunguna ng chairman nito na si dating Knights of Rizal Supreme Commander, at provincial administrator, Propesor Ver R. Esguerra.

Ang pagkakaloob ng parangal sa mga natatanging Rizalenyo ay bahagi ng paggunita sa ika-155 anibersaryo ng kapanganakan ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal.

Ang pagkakaloob ng Gawad Rizal ay gagawin sa Hunyo 23, sa Event Center ng SM City sa Taytay. Ito ang ikalimang taon ng pagbibigay ng parangal ng Rizaleño Awards Group.

Layunin ng Gawad Rizal na bigyang halaga ang mga natatanging mamamayan ng Rizal ayon sa kanilang ipinamuhay, nagawa at kalinisan ng pagkatao. Pagkilala rin ito sa kanilang matagumpay at makabuluhang mga nagawa, at magsisilbing inspirasyon at huwaran sa mga taga-Rizal, partikular sa kabataan.

Pagkakalooban ng Gawad Rizal 2016 sina Cynthia M. Cruz, sa Secondary Education; Danilo F. Cruz, sa Banking; Neil Andrew de Lumen, sa Medicine; Arthur C. Fausto, sa Peace and Order; Emelito Feliciano, sa Farming; Isabel F. Inlayo, sa Education Management; Joel Ninones, sa Fashion Design; Velma S. Salazar, sa TESDA Government Service; at Godofredo F. Zapanta, sa Arts and Culture.

Ayon kay Esguerra, ang pagkakaloob ng Gawad Rizal ay magsisimula sa ganap na 4:30 ng hapon. Panauhin sina Dr. Pablo Trillana, dating chairman ng National Historical Institute; Rizal Gov. Nini A. Ynares; Vice Gov. Frisco “Popoy” San Juan, Jr.; at Taytay Mayor Janet de Leon-Mercado.

Tampok din sa okasyon ang pagtatanghal ni Ms. Rizza Otadoy, ng ICCT College.

Ang Rizaleño Awards Group ay binubuo nina Esguerra, bilang chairman; Prof. Anthony Mateo, Dr. Aurea Sto. Domingo, Dr. Edgardo R. San Juan, at Dean Alvin G. Sejera.

Board of judges naman sinan Prof. Ver Esguerra, publisher, editor ng Rizaleño Sulo; G. Clemen Bautista, broadcast journalist at kolumnista ng Balita; G. Mar Bacani, tourism officer ng Antipolo City; Dr. Aurea Sto. Domingo, dating DepEd Rizal Division Superintendent; at G. Val Constantino Co, ng ICCT College. (Clemen Bautista)