LeBron James

Cleveland, wagi sa Golden State; NBA title nasungkit sa ‘winner-take-all’.

CLEVELAND (AP) — Muling pumatak ang luha. Ngunit sa pagkakataong ito, luha ng kasiyahan ang pinagsaluhan ni ‘King James’ at ng buong Cavaliers fans.

Ipinagdiwang ng Cavaliers ang ‘Araw ng mga Ama’ sa pinakadakilang paraan -- tuldukan ang 52 taong pagkauhaw sa kampeonato at tapusin ang dagok na matagal nang pasanin ng henerasyon.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa wakas, nakamit ng Cleveland ang kauna-unahang NBA title mula nang sumabak sa liga noong 1973 at inihatid ito sa masa ng bayaning si James – ang pamosong anak ng Cleveland mula sa maliit na bayan ng Akron.

Hataw ang four-time MVP sa naiskor na 27 puntos, 11 rebound at 11 assist –ikatlong player sa kasaysayan ng NBA Finals Game Seven na kumana ng triple double – para sandigan ang Cavaliers sa makapigil-hiningang 93-89 panalo kontra sa defending champion Golden State Warriors.

“I was calm. I was focused. I was locked in,” pahayag ni James.

Napahalik sa sahig ng Oracle Arena ang 6-foot-8 guard at dating teenage phenom na kinuha ng Cavaliers mula sa high school para gabayan ang prangkisa sa tugatog ng tagumpay. Matapos ang pitong taong kabiguan, nilisan ni James ang Cleveland at natagpuan ang personal na tagumpay sa Miami Heat.

Ngunit hindi ang pangarap ng kanyang mga kababayan.

Sa kanyang pagbabalik, binitiwan ni James ang pangakong ihahatid ang prangkisa sa tugatog ng tagumpay at sa ikalawang pagkakataon, natupad ng tinaguriang ‘King James’ ang pangakong glorya.

“We made history tonight,” pahayag ni coach Tyronn Lue, pumalit sa sinibak na si David Blatt nitong Enero. “Cleveland, Ohio, we’re coming back, baby!”aniya.

Ratsada rin si Kyrie Irving sa naiskor na 26 puntos, tampok ang three-pointer sa harap ng depensa ni back-to-back MVP Stephen Curry para basagin ang 89-all may 53 segundo ang nalalabi.

At sa pagtunog ng huling buzzer, nagsimula na ring magdiwang ang 18,000 tagahanga na nagkampo sa Quicken Loans Arena. Sa saliw ng awiting ‘We Are the Champions’ ninamnam ng mga residente at tagahanga ang tagumpay na matagal na nilang hinintay.

Huling nagkaroon ng pagdiriwang ang Cleveland noong 1964 nang magkampeon ang Browns sa NFL. Matapos ang 52 taon, muling sentro ng atensiyon sa international sports ang Cleveland.

Walang kasing-tamis ang tagumpay ng Cavaliers na nakabalikwas mula sa 1-3 pagkakadapa at maitala sa kasaysayan bilang kauna-unahang koponan na nagkampeon mula sa balag ng kabiguan.

Nabaon na sa limot ang mga bansag na “The Fumble”, “The Drive” at “The Shot” sa Cavaliers. Karapat-dapat ang Cavaliers na bansangang “The Comeback”.

“I never ever thought I would see this would happen,” sambit ni Tim Lovell, buhay na patotoo sa dekadang kabiguan ng Cleveland, kabilang ang 50-yard line na nagawa ni Denver quarterback John Elway para gapiin ang Cleveland sa pamosong “The Drive” noong 1986 AFC Championship.

“I tell you what with about two minutes to go I thought I was going to have a heart attack. I’ve seen ‘The Drive’ and I’ve seen ‘The Fumble’ and I’ve seen Michael Jordan kill us with ‘The Shot’, “aniya.

Wala na rin ang multo ng kabiguan at ang bansag na ‘Jinx’ kay LeBron.

“Our fans, they ride or die, no matter what’s been going on, no matter the Browns, the Indians, the Cavs, and all other sports teams,” pahayag ni James.

“They continue to support us. And for us to be able to end this, end this drought, our fans deserve it. They deserve it. And it was for them. It’s going to be the biggest party Cleveland has ever seen,”aniya.