Nakatakdang magsagawa ng kilos-protesta sa harapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) office ang iba’t ibang samahan ng mga school service operator sa bansa upang tutulan ang implementasyon ng mandatory phase-out ng mga school bus na mahigit sa 15 taon nang ginagamit.

Ayon kay Nagkakaisang Alyansa ng mga School Service Operator at Driver of the Philippine (Nassap) President Celso dela Paz at kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna, kakalampagin nila si LTFRB chairman Winston Ginez upang aksiyunan ang kanilang hiling na pagpapalawig sa 15-year mandatory phase-out program.

Sa ilalim ng programang inilatag ng Department of Transportation and Communication (DoTC), ang lahat ng school service na mahigit 15 taon na ay hindi na papayagang makabiyahe sa pagbubukas ng klase bukas dahil huhulihin na ang mga ito.

Ipinaliwanag nina Dela Paz at De Luna na kapag ipinatupad ang programa ay maaapektuhan ang 75 porsiyento ng 10,000 school bus service sa National Capital Region (NCR).

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Nilinaw din nito na hinihintay pa nila ang mga makina na kanilang binili sa China para sa pagsasaayos ng kanilang mga school service kayat humihingi sila ng karagdagang panahon sa LTFRB bago tuluyang ipatupad ang phase out scheme.

“Kung hindi kami pagbibigyan ng gobyerno, malaki ang magiging epekto sa pagbubukas ng klase ang kawalan ng masasakyang school bus ng mga mag-aaral dahil mapipilitang kami magsagawa ng tigil-operasyon,” pahayag nina Dela Paz at De Luna. (Rommel P. Tabbad)