ISA sa mga pinakamahirap na trabaho ng pulis ay ang maging tiktik (intelligence agent) laban sa mga sindikato ng illegal na droga dahil kinakailangang maging malalim at maingat ang anti-narcotics agent sa kanyang tinatrabahong grupo upang hindi mabuko ang tunay niyang pagkatao. Buhay kasi niya at ng mga mahal sa buhay ang siguradong kapalit nito.

Sa diretsahang salita— kailangan niyang matutong gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot para ‘di mahalata ng kanyang mga target. Resulta, magiging adik na rin siya at dalawa lamang ang magiging resulta: matagumpay na operasyon o ‘di kaya’y ma-recruit na rin siya ng organisasyon.

Simula pa noong panahon ng rehimeng Marcos at mga sumunod pang administrasyon, naririnig na ang pangakong susugpuin ang droga. Iba’t ibang ahensiya ang nabuo para sugpuin ito, pero ‘di pa rin ito napatigil. Sa halip, ang problema ay unti-unting lumaki at nagbagong-anyo. Kung dati “imported” ang droga, ngayon dito na ito ginagawa at tayo na ang nag-e-export.

Ang unang grupo na nabuo para lupigin ang droga sa bansa ay tinawag na Constabulary Anti-Narcotics Unit (CANU), sinundan ito ng Narcotics Command (NARCOM), Mamamayan Ayaw sa Droga (MAD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang bawat ahensiya laban sa droga ay nagkaroon naman ng malalaking accomplishment bago napalitan. Sa ilalim ng CANU nahuli ang Chinese drug lord na si Lim Seng na nahatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad; sa ilalim ng NARCOM na-raid ang isang modernong laboratoryo ng cocaine sa isang isla na kung tawagin ay Agho Island na halos katabi lang ng Boracay; sa ilalim naman ng MAD nabisto ang tone-toneladang shipment ng shabu papasok ng Pilipinas, at sa PDEA natunton ang mga laboratoryo ng shabu sa loob ng mga subdibisyon.

Ang pagkamatay ni Lim Seng sa firing squad ang medyo nagbigay ng takot sa mga sindikato ng droga noong panahon ng martial law kaya nag-slowdown ang mga ito. Pero sa halip na tuluyang mawala, nagbagong anyo lamang ito. Mula sa opium, cocaine at marijuana, mga tabletas, kapsul, at cough syrup ang pansamantalang humalili sa mga imported na droga hanggang dumating ang shabu na unang nakilala na “poor man’s cocaine.”

Sa bawat raid, palaging may lumulutang na umano’y protektor na opisyal ng pulis, military, at mga pulitikong nakakasakop sa lugar.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Daniel M. Veridiano, E.E.)