Dahil sa peklat sa binti, nakilala ng kanyang misis ang biktima ng salvaging na pinagpuputol ang mga bahagi ng katawan, isinilid sa isang maleta bago inabandona sa tapat ng gusali ng Senado sa Pasay City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa pamamagitan ng peklat sa kaliwang binti at hugis ng mga kamay, nakilala ni Helen Bacordo, 43, ng 137 Barangay E., Rosario, Batangas, na ang mga putol na bahagi ng katawan ng nawawala niyang mister na si Reymundo Bacordo, 50, negosyante ng buy and sell ng sasakyan.

Pasado 12:00 ng tanghali kahapon nang magtungo si Helen sa tanggapan ni Pasay City Police Chief Senior Supt. Joel Doria upang kilalanin ang mga putul-putol na bahagi ng paa at kamay ng biktima na isinilid sa sako.

Ang sako ay nadiskubre ng isang vendor sa tapat ng gusali ng Senado sa Diokno Avenue, Bgy. 76, Zone 10, bandang 5:30 ng umaga nitong Miyerkules.

National

ALAMIN: Ang posibleng detention center ni FPRRD sa ICC

Sa pahayag ni Helen, dakong 11:00 ng umaga nitong Hunyo 7 nang huling nakitang buhay ang kanyang mister nang umalis ito ng bahay sakay ng gray na Mitsubishi Montero (NH-8368) na ibebenta nito sa hindi nabanggit na buyer ngunit hindi na ito nakabalik.

Sinabi ng ginang na nakasuot ng mga alahas at may dalang P500,000 cash nang umalis ng bahay si Reymundo.

Samantala, nilinaw naman ni Doria na kahit kinilala na ng nagpakilalang misis ng chop-chop victim, pagbabasehan pa rin ng awtoridad sa resulta ng finger print na isinagawa ng Scene of the Crime Office (SOCO) ng Southern Police District upang maberipika ang pagkakakilanlan ng biktima. (Bella Gamotea)