NANGAKO si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) na siya ay sasailalim o magkakarooon ng tinatawag na “metamorphosis” o pagbabago sa sandaling makapanumpa bilang pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30. Tulad ng isang uod, siya ay magiging isang kaibig-ibig na paru-paro matapos ang metamorphosis. Pipigilan na niya ang pagmumura at kakaibang behavior o asal na naglalagay sa kanya sa alanganin at kontrobersiya.

Malimit siyang maging tampulan ng mga batikos dahil sa kanyang “gutter language” at “rudeness”, pero sinabi niyang ang mga ito ay tapos na at iiwanan pagkatapos ng inagurasyon bilang ika-16 na presidente ng Pilipinas. Ano kaya ang kanyang ihahanda sa okasyon na idaraos sa Malacañang at hindi sa nakaugaliang Luneta?

“Ako ay isa pang uod ngunit pagkatapos ng panunumpa, ako ay magiging isang paru-paro.”

Gayunman, hangga’t hindi pa siya ang pangulo, siya ay mananatiling “unpresidential”, self-frank, and irreverent.”

Dagdag niya: “Hindi pa ako ang pangulo. Maghintay kayo. Ako ay talagang rude person”, tugon niya sa mga nagsabi na ang kanyang behavior ay “hindi kanais-nais para sa isang presidente.”

Noong Biyernes, ipinasiya ni President Rody na wala munang mga presscon bunsod ng mga kontrobersiya at pakikipagtalo sa mga miyembro ng media. Inihayag ni Christopher “Bong” Go, special assistant to the president at incoming chief ng Presidential Management Staff (PMS), na kanselado muna ang mga press conference. Sa halip, lahat ng pahayag ng incoming Chief Executive ay idadaan na lang sa state-owned TV network PTV4.

Layunin daw na maiwasan ang ano mang maling mga interpretasyon sa mga statement ng incoming president. Kabilang umano sa maling interpretasyon ay tungkol sa media killings bunsod ng kurapsiyon, at pati na rin ang pagsipol niya kay GMA-7 reporter Mariz Umali na nagtatanong sa kanya sa pulong-balitaan.

Samantala, apat pang appointees sa gabinete ang inihayag noong Huwebes ng gabi. Sila ay sina Christopher “Bong” Go, bilang hepe ng PMS; TV5 news anchor Martin Andanar, bilang secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na kapalit ni Sec. Herminio Coloman Jr.; retired police general Ed Galvante, bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO); Ed del Rosario, Undersecretary ng Defense Department; at ex-Kilusang Mayo Uno leader Joel Maglungsod, bilang Undersecretary ng Department of Labor.

Habang sinusulat ko ito, bakante pa ang mga posisyon para sa Department of Trade and Industry, Department of Health, Department of Tourism, at Department of Environment and Natural Resources. Sino kaya ang ilalagay sa mga departamentong ito? (Bert de Guzman)