Pumalag ang Malacañang sa binitiwang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na ang pagkakasangkot sa katiwalian ang isa sa mga dahilan sa pagpatay sa ilang mamamahayag sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na dapat respetuhin ang karapatan ng mga mamamahayag at arestuhin ng gobyerno ang mga nasa likod ng pamamaslang sa kanilang hanay.
“Kinikilala natin ang mahalagang papel ng mga mamamahayag sa pagmamahagi ng impormasyon sa isang demokratikong lipunan. Bilang mga mamamayan, mayroon tayong fundamental right sa due process at equal protection of the law sa ating bansa,” giit ni Coloma.
“Kaya kinokondena natin ang proposisyon na ilang mamamahayag ang pinatay dahil sa kanilang pagkakasangkot sa kurapsiyon. Tungkulin ng gobyerno na arestuhin, kasuhan at parusahan ang mga responsable sa pamamaslang ng media,” giit pa ng opisyal.
Ang pahayag ni Coloma ay bilang reaksiyon sa pahayag ni Duterte na ang pagkakasangkot ng ilang media sa katiwalian ang isa sa mga dahilan kung bakit pinatay ang mga ito.
“Just because you’re a journalist, you are not exempted from assassination, if you’re a son of a bitch,” inihayag ni Duterte sa pulong balitaan na isinagawa sa Davao City nitong Martes ng gabi.
“Freedom of expression won’t save you. The Constitution cannot help you kapag binaboy mo ang isang tao,” dagdag ng alkalde.
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang pahayag ni Duterte dahil hindi anila makatarungan na agad na patayin ang ilang media practitioner dahil lamang sila’y sangkot sa kurapsiyon. (GENALYN D. KABILING)