Kevin Durant

OAKLAND, California (AP) — Matinding kalungkutan ang bumalot kay Kevin Durant, habang pinanood si Stephen Curry na nagbubunyi kasama ang buong Warriors at home crowd sa Oracle Arena.

Panibagong tagumpay sa Golden State Warriors para sa pagkakataong maidepensa ang korona, taliwas kay Durant na mangangapa sa karimlan ng agam-agam para sa kanyang kinabukasan sa Oklahoma City.

Dalawang pagkakataon ang nasayang kay Durant at sa Thunder para patahimikin ang Warriors. Ngayon, balik-bayan ang Thunder na bigo at lungayngay ang balikat nang gapiin sila ng Warriors, 96-88, sa do-or-die Game Seven.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“We wanted to win the whole thing,” pag-amin ni Durant.

“There’s no moral victories in our locker room after the game. We were all upset. We wanted to get a chance to play for a championship in the finals, so that hurts,” aniya.

Imbes na tanghaling matikas na koponan na sumibak sa defending champion Warriors, gugunitain ang Thunder na isang banderang-kapos. Napabilang ang Thunder (ika-10) na koponan na nabigong maipanalo ang best-of-seven series kahit tangan ang 3-1 bentahe.

Sa kabiguan, pasan ni Durant ang daigdig, higit at isa na siyang “unrestricted free agent” sa pagtatapos ng season.

Iginiit ni Durant na maaga pa para pag-usapan ang kanyang kalalagyan, ngunit magsisimula ang pagtahak niya sa bagong kinabukasan sa Hulyo.

“Unfortunately we didn’t come out on top,” sambit ni Durant.

“That’s something that all the guys are upset about. But we laid it all out there. Everybody left their soul out on the court. We have no regrets,” aniya.

Sakaling magdesisyon siya na lisanin ang tanging koponan na kanyang pinaglaruan sa siyam na taong career sa NBA, mauunawaan siya dahil sa kabiguan niyang bigyan ng kampeonato ang Oklahoma City.

Nakarating sa NBA Finals ang Thunder noong 2012, subalit winalis lamang sila nina LeBron James at ng Miami Heat sa apat na laro.

Nasibak sila sa second round sa sumunod na season at sa conference finals laban sa San Antonio Spurs noong 2014.

Nabigong makausad sa playoff ang Thunder noong 2015 matapos ma-injured si Durant.

“We just lost like 30 minutes ago,” sambit ni Durant. “I haven’t even thought about it. I’m just embracing my teammates and reflecting on the season.”