PANGKARANIWAN na sa iniibig nating Pilipinas na ang madalas na bumabatikos sa Simbahang Katoliko ay ang ibang sekta ng relihiyon. Binabanatan ng mga pastor, sa radyo at telebisyon, ang mga ritwal at tradisyon ng mga Katoliko.
Hindi naman pinapatulan ng Simbahang Katoliko ang mga batikos sapagkat naniniwala ito na sa ating bansa, ang mamamayan ay may karapatan at malayang makapagpahayag ng kanilang saloobin, pananaw at opinyon. Ngunit marami naman ang nagulat at halos hindi makapaniwala sa naging pahayag at pagbatikos ni President-elect Rodrigo Duterte sa Simbahang Katoliko. Tinawag niya itong “most hypocritical institution”. Sinamahan pa ito ng mga paratang sa ilang mga pari at obispo na lumalabag umano sa kanilang “vow of celibacy” o hindi pag-aasawa. Maaaring ang tinutukoy ng machong alkalde ay ang ilang mga pari na may asawa at mga anak. Bukod dito, binanggit din ni Duterte na may mga opisyal ng Simbahan na humihingi ng pabor sa mga pulitiko tulad ng ilan na humimok sa kanya na tumakbong alkalde noon para magkaroon ng ari-arian sa Davao.
May iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan, partikular na ang mga alagad ng Simbahang Katoliko, sa batikos ni President-elect Duterte. Isa na rito si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na nagpaalala kay Duterte na mag-ingat sa pagsasalita laban sa Simbahan. Ayon kay Cruz na dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang mga taong simbahan gaya nilang mga obispo at mga pari ay maraming pagkakamali at pagkakasala dahil tao lang din sila. Hinamon ni Cruz si Duterte na pangalanan ang mga pari at obispo na may mga anak upang maipagharap ng sakdal at maparusahan.
Ipinaliwanag pa ni Cruz na ang Simbahan ay iba sa taong simbahan sapagkat ang Simbahan ay banal at mananatiling matatag at nag-iisa. Tama si Duterte na maraming pagkukulang ang ilang pari at obispo. Hindi sikreto na maraming pagkakamali ang mga ito. Ngunit iba ang Simbahan.
Nagbiro pa si Cruz na mahirap talagang payuhan ang tao kapag may edad na sapagkat hindi na ito matututo.
May nagsabi naman na sa pagbatikos ni President-elect Duterte sa Simbahang Katoliko, hindi siya isang magandang halimbawa at inspirasyon para magkaroon ng pagkakaisa, kundi ng away, gulo at pagkakawatak-watak. Ang banat ni incoming President Duterte ay pag-insulto sa Inang Simbahan. Malinaw na kawalan ng paggalang sa mga obispo at mga Kristiyano. Hindi siya karapat-dapat na tawaging anak nito.
Naalala tuloy ng inyong lingkod ang payo at biro ng isang madalin sa isa kong kababayan na matindi ang banat sa mga pari at Simbahan nang mag-iba ito relihiyon. Ganito ang payo niya: “Hoy, tumigil ka na sa pag-upak sa mga pari at Simbahan. Kapag namatay ka, baka sa halip na holy water ang iwisik sa iyo ay baka kumukulong alkitran o aspalto!”