Tiniyak ni Senate President Franklin Drilon na mananatiling buo ang Liberal Party (LP) sa Senado kumpara sa Kamara, na napaulat na aabot sa 80 kongresista mula sa 116 na nahalal na LP member ay bumalimbing na sa kampo ni incoming President Rodrigo Duterte.
Aniya, wala sa karakter ng mga Senador na lilipat ng partido kapag natalo ang kanilang pambato sa halalan.
Bukod kay Drilon, kasapi rin ng LP sina Senators Bam Aquino, Ralph Recto, ang nagbabalik na si Sen. Francis Pangilan, at ang bagong nahalal na si dating Justice Secretary Leila de Lima.
Sina Panfilo Lacson (Independent), Risa Hontiversos (Akbayan Party-list), Joel Villanueva (Cibac Party-list) ay tumakbo sa ilalim ng koalisyon ng LP at pinaniniwalaang susuporta pa rin sa partido ni Pangulong Aquino.
Una nang inamin ni Sen Aquilino “Koko” Pimentel III na interesado siya sa posisyon ng Senate President, pero lumalabas na kahit may bilang siya ay may sigalot naman umano sa hanay ni Sen. Alan Peter Cayetano, ng Nacionalista Party (NP).
Sinabi ni Pimentel, nag-iisang miyembro ng PDP-Laban sa Senado, na hindi pa rin nila mabatid kung nananatili pa nilang miyembro si Senator-elect Manny Pacquiao, na tumakbo sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA).
Samantala, itinutulak ng 11 senador si Senator Vicente Sotto para sa posisyon ng Pangulo ng Senado. (Leonel Abasola)