ANG plano ng susunod na pangulo na si Rodrigo Roa Duterte na muling ibalik ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbibigti ay nagpapaalala sa akin sa tatlong cowboy na nakatakang ibigti.
Dinala sila sa isang puno malapit sa ilog. Isinalang ang unang cowboy at tinali ang leeg, ngunit sobra siyang pinagpawisan dahil sa kaba, lumusot siya sa lubid at nahulog sa ilog, lumangoy at tuluyang tumakas.
Itinali naman ang lubid sa ikalawang cowboy. Lumusot din siya sa lubid, nahulog sa ilog, at tumakas. Ang ikatlong cowboy naman ang sumalang. Tiningnan niya ang mga nagpupugot at sinabing, “Puwede n’yo ba akong gawan ng pabor?
Higpitan ninyo ang lubid—Hindi ko alam lumangoy!”
Puwera biro, ang parusang kamatayan sa anumang paraan; pagbibigti, lethal injection at iba pa, ay inalis na sa Pilipinas. Kung ipatutupad ni President-elect Duterte ang nasabing kaparusahan, kinakailangan niyang bigyang-pansin ang pagbabago ng batas sa Kongreso.
Ngunit hindi ito magiging madali dahil maraming organisasyon kabilang na ang Human Rights groups (local at international), mga simbahan at religious sectors, Pro-Life organizations, at law-abiding citizens ay pinanghahawakan ang paniniwalang ang Diyos ang nagkaloob sa mga tao na buhay, siya lang din ang babawi sa buhay ng tao—kung kaya’t ang pagmamakamatay o ang pagpatay ay labag sa mata ng Diyos; ito ay malaking kasalanan.
Umasa at ipagdasal natin na bilang isang God-fearing Christian Catholic, sundin ni presumptive President Rody Duterte ang utos ng Panginoon at ng ating bansa.
DOS PPCRV. Nais naming iparating ang aming pagbati at pasasalamat sa libu-linong volunteer at officer ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pamumuno ni Ms. Henrietta “Tita” de Villa, dating ambassador sa Vatican at kasalukuyang PPCRV president.
Sa kabila ng mga sakripisyo at paghihirap na kanilang naranasan, ang paglaan nila ng oras at pera na galing mismo sa kanilang mga bulsa alangalang sa mga botante, karapat-dapat lamang silang pasalamatan. (Fr. Bel San Luis, SVD)