Dismayado man siya sa pagkatalo ng kanilang pambato na si Mar Roxas sa katatapos na eleksiyon, nakangisi naman si Pangulong Aquino matapos na ilampaso si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng manok ng administrasyon sa pagka-bise presidente na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Matapos ikampanya na huwag iboto si Bongbong, nakahihinga na ngayon nang maluwag si Aquino dahil ang pinili ng mayorya ng botante ay si Robredo sa halip na ang anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos.

“So the rejection of his version of reality is very gratifying,” pahayag ni Aquino sa panayam ng The Wall Street Journal sa Malacañang nitong Huwebes.

Sa kasagsagan ng pangangampanya sa nakalipas na mga buwan, walang humpay ang naging panawagan ni Aquino sa mga botante na huwag iboto si Bongbong dahil posibleng maulit ang madalim na panahon ng batas militar na ipinatupad ng ama ng senador noong dekada ’70 hanggang ’80.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Iginiit ni Aquino na hindi man lang humingi ng tawad ang pamilya ni Marcos, lalo na si Sen. Bongbong, sa mga pang-abuso noong Martial Law period.

“If this is the view of a vice presidential candidate, how we can expect him not to repeat the mistakes of the past if he cannot accept these were wrong?” aniya.

Bagamat ibinabandera ang kanyang plataporma sa pagkakaisa ng bansa, nanguna sa unang bahagi ng botohan si Bongbong Marcos subalit kinalaunan ay naungusan ni Robredo hanggang tuluyang manalo ang kongresista sa pagka-bise presidente.

(GENALYN D. KABILING)