PLANO yata ng administrasyon ni presumptive President Rodrigo Roa Duterte (RRD) na ibalik ang death penalty sa bansa upang makatulong sa pagsugpo sa krimen. Tiyak na sasalungatin siya ng Simbahang Katoliko sapagkat naniniwala ang Simbahan na tanging ang Diyos ang may karapatang bumawi sa buhay ng isang tao.

Si RRD ay isang Katoliko pero hindi umano niya kailangan ang Simbahan dahil marami namang relihiyon sa Pilipinas.

Nagtakda si President Rody ng tatlo hanggang anim na buwan para lipulin ang illegal drugs at iba pang mga uri ng kriminalidad sa bansa. Gagamit siya ng “kamay na bakal” upang maipatupad ang kanyang pangako sa taumbayan noong panahon ng kampanya.

Maraming sindikato ng illegal na droga ang dumarayo at nagpupuntahan sa Pilipinas dahil batid nilang walang parusang kamatayan dito. Naririto ang illegal drugs syndicate mula sa China at ang sindikato ng droga mula sa Mexico. Hindi ba’t maraming laboratoryo ng illegal na droga ang natatagpuan sa malalaking subdivision sa Metro Manila? Di ba’t laganap maging sa lansangan ang bentahan ng shabu at ito ay nabibili maging sa ordinaryong tindahan o sari-sari stores? Ito ang nais puksain ni Mayor Duterte na plano ring pairalin sa buong bansa ang mga kautusan na ginawa niya sa Davao City.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Noong Lunes, banner story ng isang English broadsheet, ang “Robredo Claims Victory”. Kahit daw ano pa ang gawing pagbilang sa hindi pa nabibilang na mga boto ay nakalalamang pa rin si CamSur Rep. Leni Robredo. Nagrereklamo kasi ang kampo ni Sen. Bongbong Marcos bunsod ng ginawang pagkalutkot ng Smartmatic nang walang pahintulot mula sa Comelec ng script ng transparency server nito habang nagbibilang pa ng mga boto.

Itinanggi ng Smartmatic na tinangka nilang dayain ang bilangan. Naniniwala rin ang Comelec, at maging ang NAMFREL, na walang dayaang nangyari sa ginawang “pagkalutkot” ng Smartmatic. Iimbestigahan ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Election System na pinamumunuan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ang ‘di awtorisadong pagbabago sa script ng transparency server para sa automated elections upang alamin ang katotohanan at mapawi ang mga pag-aalinlangan at pagdududa.

Patuloy sa pagdami ang Filipino nurses na nagnanais magpunta sa United States para maghanap ng trabaho. Aba, baka magalit sa inyo si ex-Sen. Francisco Tatad at mga kasamang nagprotesta sa citizenship ni Sen. Grace Poe dahil tiyak na tatalikuran ninyo ang pagiging mamamayang Pilipino kapag kayo’y natanggap diyan at pinagkalooban ng green cards tungo sa pagiging naturalized US citizen. Well, hindi lahat ng nagtutungo o naroroon na sa US ay itinatakwil at kinamumuhian ang pagiging Filipino citizen. Nananatili silang mga Pilipino sa isip at puso. Gayundin marahil ang damdamin ni Grace Poe na nakapag-asawa at nanirahan doon.

Nais ni President Rody na magkaroong muli ng peace talks ang Pilipinas at ang Communist Party of the Philippines.

Pero, tatlong sundalo ang napatay ng New People’s Army noong Sabado habang inihahayag ni RRD ang tungkol sa usapang-pangkapayapaan. Ang mga kawal, ayon sa military, ay nasa Negros Island upang imbestigahan ang mga report na nangingikil ang mga NPA sa mga taga-baryo nang makasagupa ang mga rebelde. Ano ba ito? Mapasusunod kaya ni Mang Rody ang mga rebeldeng NPA na tauhan ng kanyang dating estudyante na si Jose Ma. Sison? (Bert de Guzman)