Kasabay ng mariing pagtutol ng isang obispo na ibalik sa bansa ang death penalty, gaya ng binabalak ni presumptive President Rodrigo Duterte, sinuportahan naman ng isa pang obispo ang plano ng Davao City mayor na magpatupad ng nationwide liquor at smoking ban.

Ayon kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, ang buhay ay pag-aari ng Diyos kaya tanging ang Diyos lamang ang may karapatang kunin ito.

Sinabi ni Gutierrez na mainam na ipaalala ng spiritual adviser ni Duterte na si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na sagrado ang buhay ng tao.

Paliwanag ni Gutierrez, kailangang sumailalim sa tamang “due process” ang mga nagkasalang kriminal at kung mapatutunayang nagkasala ay isailalim sa rehabilitasyon at bigyan ng pagkakataong pagsisihan ang nagawang kasalanan para makapagbagong-buhay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Taong 2006 nang tuluyang i-abolish ang death penalty sa bansa, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Kasabay nito, sinuportahan naman ni Malaybalay Bishop Jose Cabantan ang plano ni Duterte na magpatupad ng liquor at smoking ban sa bansa, at naniniwalang malaki ang maitutulong ng liquor ban upang mapababa ang crime rate sa bansa.

Makabubuti naman, aniya, sa kalusugan ng publiko at sa kalikasan ang smoking ban.

Sinabi ng obispo na maaaring simulan ang liquor ban o ang pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar at mga business establishment simula 10:00 ng gabi.

Iginiit ni Duterte na malaki ang naitulong sa pag-iwas sa krimen ng mahigpit na pagpapatupad ng liquor at smoking ban sa Davao City, na roon siya nanilbihan bilang alkalde sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

(MARY ANN SANTIAGO)